by jariusbondoc | Oct 26, 2026 | Sapol

Photo from Wikipedia
Mga babae ang nag-aangat ng kalahati ng langit, ani Mao Zedong. Pagpugay ‘yon sa papel ng mga babae sa lipunan. Papuri rin sa mga babae sa kaniyang rebolusyong Komunista. Kaalyado niya si Soong Ching-ling, asawa ni Sun Yat-sen na nagpatalsik sa huling emperador at naging unang Presidente ng China. Mataas ang posisyon sa China Communist Party ni Jiang Jing, ika-apat na asawa ni Mao.
Propaganda lang ang lahat para sa CCP. Nu’ng manalo si Chairman Mao sa rebolusyon kontra Kuomintang nu’ng 1949, nagpatupad siya ng one-child policy sa mga pamilya. Nilimita ang mga misis sa iisang anak lang. Malaki ang multa kung madagdagan ito. Nu’ng Cultural Revolution, 1966-1976, pinatay ng mga pantikong Red Guards ni Mao ang mga misis at sanggol ng mga hindi makabayad ng multa. Milyon-milyon ang biktima.
Nakasira sa demographics ang one-child policy. Mas pinili ng karamihan ng mga mag-asawa ang sanggol na lalaki. Pinapatay ang mga babaeng fetus. Nagka-krisis sa ekonomiya dahil mas marami nang senior citizens kaysa mga batang manggagawa na nagtutustos ng pension nila.
Inalis ni Chairman Xi Jinping ang one-child policy nu’ng 2016. Payag na sa dalawang anak. Nu’ng 2021 tatlong anak na ang limitasyon.
Akala ng kababaihang Chinese ay malaya na sila. Hindi pala.
Estado pa rin ang may-ari ng katawan ng mga babae. Mahigpit ang CCP kontra feminism. Kabilang doon ang pagiging aktibista ng mga babae, paggiit ng pagka-pantay sa kalalakihan, at pananamit at pagpoposturang Kanluranin. Kinukunsinti ang pagmamaliit ng mga male chauvinists sa kababaihan: kesyo pambahay lang sila.
Resulta: Sa 2027 mas marami ng 22.5 milyon ang mga lalaking maaring mag-asawa sa edad 22, kaysa mga babae mula edad 20. Galit sa CCP ang kalalakihan. Bwisit ang kababaihan sa mga lalaki. Lalo na’t mas marami ng 21% ng babae ang nakakatuntong ng kolehiyo kaysa lalaki.
by jariusbondoc | Oct 23, 2026 | Sapol

Marami ang hindi alam ang kaibhan ng Arab world, Middle East, at Muslim world. At ang pagkalito sa kanila ay maaring pinakamalaking mali sa heograpiya ng mundo.
Una, ang Arab world ay pagkakakilanlan ng kultura at wika. Ang Arab ay nagsasalita ng Arabic. Dalawampu’t-apat ang bansang Arab, mula Morocco sa hilagang kanlurang Africa hanggang Oman sa timog silangan ng Arabian Peninsula, 470 milyong populasyon. Milyon din ang Kristiyanong Arab. Hindi komo Arab ay Muslim agad.
Ikalawa, ang Middle East ay terminong heograpiya. Iginuhit nang basta-basta ang mapa ng isang British naval officer para ipakita ang pagkaka-hiwalay ng Europe sa katabing rehiyon. Kadalasan isinasama ang Arabian Peninsula, at minsan ay pati Egypt, Iran, at Turkey.
Ikatlo, ang Muslim world ay pagkaka-kilanlang relihiyon – dalawang bilyong tao sa lahat ng kontinente. Ang pinaka-malaking bansang Muslim ay hindi Saudi Arabia o Egypt, kundi Indonesia na may populasyong 288 milyon nitong 2026.
Walampung porsyento ng mga Muslim ay sa labas ng Middle East nakatira. Sa South Asia pa lang – Pakistan, Bangladesh, India, Sri Lanka – ay may 500 milyong Muslim. Maraming Muslim sa United States at Canada.
Ang unang termino ay pang-kultura. Ang pangalawa ay pang-heograpiya. Ang pangatlo ay pang-sampalataya.
Marami nang eksperto ang nagsa-libro ng pag-aaral nila sa mundong Arab, Middle East, at mundong Muslim. Ang Al-Jazeera, na naka-base sa Qatar, ay television network na nakatuon sa Arab, Middle East, at Muslim.
Manood noon para malinawan ang isip tungkol sa tatlo.
by jariusbondoc | Oct 20, 2026 | Sapol

Lantad na sa madla na sa Sangguniang Kabataan pa lang ay natututo nang mangurakot ang mga nasa murang edad. Ito ay dahil sa masamang impluwensya ng nakatatandang opisyales mismo ng barangay.
Ito ang modus operandi: ang bawat barangay council ay merong “kontratista”. Sa kaniya ipinauubaya ng barangay chairman at councilmen lahat ng gastusin. Mula ‘yon sa pinakamalaking proyekto tulad ng pagtayo ng barangay hall o multipurpose center, hanggang sa pinakamaliit na pagbili ng ballpen o meryenda.
May “tong-pats” (overprice) na 20-200% ang kontratista. Hati sila do’n ng chairman, piniling niyang barangay treasurer, at mga kagawad.
Umaabot nang daang libo hanggang milyong piso ang kickback kada taon. ‘Yan ang dahilan kung bakit nagpapatayan ang mga nais mag-barangay chairman, treasurer, at kagawad.
Ang Sangguniang Kabataan chairperson ay otomatikong barangay kagawad din. Otomatiko ring ka-parte siya sa kickbacks.
May mga sariling gastusin at proyekto ang SK. Obligado rin ito dumaan sa kontratista. Ino-overprice ang presyo. Pina-partehan ang SK chairman, treasurer, at mga batang kagawad.
Nasa poder ng Dept. of Interior and Local Government ang 42,010 barangay at 41,995 SK. Sinisikap umano ni Sec. Jonvic Remulla linisin ang local government units. Samantala, maari disiplinahin ng Ombudsman ang mga tiwali at pabayang barangay at SK officials. “Kaya ko silang sibakin,” ani Jesus Crispin Remulla kamakailan.
Programahin sana ng magkapatid na Remulla na linisin at kinesin lahat ng barangay councils at SK. Lawakan ng DILG lahat ng provincial, city, at municipal jails. Dagdagan ang tao ng Ombudsman para hawakan ang mga reklamo laban sa mga kontratista at barangay/SK officials.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
by jariusbondoc | Oct 19, 2026 | Sapol
Bihira lang magtanong si Senator-Judge Lito Lapid. Kaya taimtim ang madla nu’ng usisain niya si Atty. Karen Batu, officer-in-charge ng Ombudsman central records division. Paksa nila nu’ng Sept. 15 ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno.
“Walang politiko o sinomang nagtatrabaho sa gobyerno ang nagsusumite ng totoong SALN,” ani Lapid. Napanood daw niya sa telebisyon na sinabi ng isang abogado, “kalokohan kung magsabi sila ng totoo sa SALN.”
Totoo ang mga SALNs niya. Tanggal sa pwesto ang sinomang magsinungaling sa SALN, ayon sa 1989 Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Kung sakaling inosenteng nagkamali ang nag-file, maari itong iwasto sa susunod na SALN niya.
Dalawang bahagi ang pahayag ni Lapid. Ang una – na mandaraya umano sa SALNs ang mga politiko – ay tunay. Ang ikalawa – na lahat umano ng nagtatrabaho sa gobyerno ay mandaraya – ay mali.
Sanay manloko ang karamihan sa 18,000 politiko. Sa kampanya pa lang ay puro sila pangakong napapako. Tinuturuan pa ng magulang na politiko ang anak na magsinungaling sa politika. Kasinungalingan ang unang uri ng pandaraya. Walang kurap kung magsinungaling ang politiko sa SALN. Itinatago ang totoong yaman kasi malamang na kinulimbat ito.
Pero mas maraming matuwid sa dalawang milyong empleyado ng gobyerno. Hindi nakakagulat na ang simpleng guro ay dinedeklara sa SALN pati ang niregalo sa kaniya n bagong pares ng sapatos. Hindi nakakagulat na ang ordinaryong clerk ay dinedeklara sa SALN ang bagong ipinatahing barong tagalog o saya.
Walang rason magkunwaring mahirap ang maliliit na empleyado. Ipinagmamalaki pa nga nila ang munti nilang ari-arian.
by jariusbondoc | Nov 23, 2023 | Sapol
Katiwalian, hindi pensiyon ng military/other uniformed personnel (MUPs), ang nagpapahirap sa bansa. Puksain ang katiwalian para mabayaran ang MUP pensions, P128.7 bilyon ngayong 2023:
(1) Kumi-kickback ng 42% mga opisyales sa infrastructure projects. P428.4 bilyon ‘yon ng P1.02-trilyong infra-budget sa 2023 – tatlo’t-kalahating-taong MUP pension.
(2) ‘Di pa kuntento, sila rin ang umaaktong kontratista at supplier, 15% pang tubo. P153 bilyon ‘yon ng P1.02 trilyon – mahigit sa MUP pensions para 2023.
(3) Umutang ang Duterte admin ng $900 milyon o P49.5 bilyon pangontra pandemya. Winaldas ang P42 bilyon sa pekeng pandemic supplies, P12.5 bilyon sa Pharmally pa lang ng presidential adviser na taga-China. Pang tatlong buwan MUP pensions sana ang P42 bilyon.
(4) Binubulsa ng mga mambabatas ang taunang flood control funds, P183 bilyon ngayong 2023. Pang 15 buwan MUP pensions na ‘yan.
(5) Kumabig ng P19.8 bilyon ang “government-sponsored sugar cartel”. Bumili ng P11 bilyong Thai sugar at ibinenta nang P30.8 bilyon. Dalawang buwan MUP pension ang P19.8 bilyon.
(6) Umutang ang Duterte admin sa China ng P12.2 bilyon para itayo ang 72-metrong Kaliwa dam. Binulabog ang 6,000 taga-tribong Dumagat, at maari bahain ang tatlong bayan sa ibaba. Kung 7-metrong weir ng Japanese constructor ang ginawa, 25% lang sana ang gastos. Pang dalawang buwan MUP pension sana ang sinayang na P12.2 bilyon.
(7) Pinaka-tiwali sa Customs. P100,000 “tara” kada cargo container, o P237 bilyon kada taon mula sa 1.58 milyong 40-footers at 790,000 20-footers. Limang ulit ‘nun, P1.185 trilyon, ang nawalang buwis at import duties nu’ng 2022 pa lang – pang 9 taon MUP pensions.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
by jariusbondoc | Sep 8, 2023 | Sapol
Maagap ang engineering at technology students sa Europe at America. Sa crowdsourcing tumutulong sila sa paglutas ng cybercrimes, lalo na pambubudol sa consumers.
Sa Germany nagyabang ang isang ministro na wala raw dapat ikabahala sa artificial intelligence. Pagkatapos ng talumpati, kinuha ng computer students ang basong ginamit niya. Kinopya ang fingerprints at lip marks niya sa baso. Kinumpara sa fingerprints at lip marks sa condo ng kanyang querida, at ibinigay sa misis. Nag-resign siya sa kahihiyan.
Maagap din ang mga Pilipinong mag-aaral. Sa University of the Philippines tumutulong sila sa pagbuo ng mga alituntunin sa paggamit ng AI apps tulad ng ChatGPT.
Parami nang parami rin ang engineering at technology students na pinagle-lecture sina dating information-communications technology secretary Eliseo Rio, ex-Comelec commissioner Gus Lagman at dating Finance Executives Institute president Franklin Ysaac. Inaaral nila kung paano unti-unti natuklasan ng tatlo ang pandaraya nu’ng 2022 presidential/VP elections.
Electronic communications engineer si Rio at dating hepe ng AFP Communication Electronics Group. Computer scientist si Lagman at dating presidente ng Philippine Computer Society. Si Ysaac na finance expert ay computer security consultant ng maraming banko. Binansagan silang Truth and Transparency (TNT) Trio.
Paano nila natuklasan ang private IP address 192.168.0.2 na ginamit sa bulusok ng 20 milyong boto nu’ng unang oras ng bilangan, May 9, 2022? Posible ba ang palusot ng Comelec na isa lang kasi ang Internet Protocol address ng 20,300 modems na ginamit? Lalabas ba ang sagot kung isa-publiko ng Comelec ang transmission logs ng bilangan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo