
Apatnapu’t apat na porsyento ng mga awit na dina-download ngayon ay gawang artificial intelligence. Hindi lang ito mga musikang nilatagan ng mga bahaging AI, kundi buo-buong tugtog na gawang robot lang.
Nagngingitnit ang mga manlilikha. Tunay na tao lang ang maaring mag-apply at magkaroon ng copyright. Kaya, usisa nila: kung hindi totoong mga tao kundi AI ang sumulat ng 44% ng mga dina-download na awit, sino ang kumukubra ng royalties nito? Malinaw na may nandadaya. Pinaghihinalaan ang music streaming platforms tulad ng Spotify, YouTube, at Apple Music. Sinasabing kumukubra sila kada-download, pero walang pina-partehang royalties para sa musikero.
Pinaghihinalaan din na kasapakat ang recording companies. Pino-promote nila ang mga awit na gawang-AI sa pamamagitan ng music streaming platforms. Sila malamang ang kumukobra ng royalties maski walang tunay na taong lumikha.
Saan patungo ang ganitong sitwasyon? Tinanong ko si Trina Belamide, trustee ng FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers). Siya ang lumikha ng mga hit songs na “With You in My Life”, “Tupad Na ang Pangarap”, “Beyond the Rainbow Bridge”. Kampyon siya nu’ng World Youth Day 1995 para sa await na “Tell the World of His Love”.
Pinag-uusapan na nila ang isyu sa FILSCAP, ani Trina. Lamang daw silang mga composers na may hit songs, kasi kinikilala sila kahit papaano ng industriya, kabilang ang music streaming platforms. Pero kawawa raw ang mga bagong manlilikha na nae-etsapwera ng AI.
Hindi masama kung gamitin ang AI sa bahagi ng nilikhang musika, halimbawa sa paghanap ng kakaibang tunog. Mali kung nag-prompt ka lang tapos gumawa na ng awit at lyrics ang robot, at pinalabas na tao ang may-akda. Kasi maaring dumating ang panahon na puro AI na lang ang musika. Walang kalatoy-latoy, walang damdamin.