Makinig kay Magalong (1)
Kinuwestiyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang P14.1 trilyong pambansang utang sa unang taon ng Marcos Jr. admin. Saan napunta ang P1.31 trilyong bagong utang mula sa P12.79 trilyong iniwan ng Duterte admin nu’ng June 2022?
Hindi rin malinaw kung saan napunta ang P6.89 trilyong inutang ni Duterte, 2016-2022. Lomobo ‘yon mula sa P5.9 trilyong kabuuang pambansang utang mula 1947 hanggang 2016 sa ilalim ng 11 pangulohan: Roxas, Quirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal, Marcos Sr., Cory Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo, Noynoy Aquino.
Sana sa matitinong proyekto inilaan ng Marcos Jr. admin ang P1.31-trilyong utang niya, ani Magalong.
Maaalalang umutang si Duterte sa Asian Development Bank at World Bank para raw kontra-pandemya. Pero nabunyag na P42 bilyon du’n ay winaldas sa overpriced, low quality at fake pandemic supplies. P12.5 bilyon nu’n ay sa Pharmally Inc. pa lang, kumpanya ni Chinese national Michael Yang, presidential economic adviser ni Duterte.
Nag-aalala si Magalong kung kayang balikatin ng 110 milyong Pilipino, pati mga sanggol, ang kasalukuyang P14.1 trilyong-utang. Nag-aalala rin siya na baka lumampas na ang kabuoang ito sa 60% ng gross domestic product, o kita ng bansa.
Hindi alam ng kasalukuyang henerasyon kung ano’ng sasapitin ng bansa kapag hindi makabayad sa utang. Magkakasundo lahat ng nagpautang na isasara na ang gripo ng pondo.
Dalawang beses na itong nangyari. Panahon ni Marcos Sr. nang mabistong dinodoktor ang ulat ng Central Bank ng mga utang. Naghigpit ang International Monetary Fund, dumapa ang maraming negosyo, na-lay-off ang mga empleyado.
Sa higpit ng IMF nu’ng panahon ni Cory Aquino, walang pumasok na dayuhang puhunan. Kinapos sa kuryente; sakal muli ang negosyo at empleyo.
(Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).