Puksain ang katiwalian, ipampensiyon sa sundalo
Katiwalian, hindi pensiyon ng military/other uniformed personnel (MUPs), ang nagpapahirap sa bansa. Puksain ang katiwalian para mabayaran ang MUP pensions, P128.7 bilyon ngayong 2023:
(1) Kumi-kickback ng 42% mga opisyales sa infrastructure projects. P428.4 bilyon ‘yon ng P1.02-trilyong infra-budget sa 2023 – tatlo’t-kalahating-taong MUP pension.
(2) ‘Di pa kuntento, sila rin ang umaaktong kontratista at supplier, 15% pang tubo. P153 bilyon ‘yon ng P1.02 trilyon – mahigit sa MUP pensions para 2023.
(3) Umutang ang Duterte admin ng $900 milyon o P49.5 bilyon pangontra pandemya. Winaldas ang P42 bilyon sa pekeng pandemic supplies, P12.5 bilyon sa Pharmally pa lang ng presidential adviser na taga-China. Pang tatlong buwan MUP pensions sana ang P42 bilyon.
(4) Binubulsa ng mga mambabatas ang taunang flood control funds, P183 bilyon ngayong 2023. Pang 15 buwan MUP pensions na ‘yan.
(5) Kumabig ng P19.8 bilyon ang “government-sponsored sugar cartel”. Bumili ng P11 bilyong Thai sugar at ibinenta nang P30.8 bilyon. Dalawang buwan MUP pension ang P19.8 bilyon.
(6) Umutang ang Duterte admin sa China ng P12.2 bilyon para itayo ang 72-metrong Kaliwa dam. Binulabog ang 6,000 taga-tribong Dumagat, at maari bahain ang tatlong bayan sa ibaba. Kung 7-metrong weir ng Japanese constructor ang ginawa, 25% lang sana ang gastos. Pang dalawang buwan MUP pension sana ang sinayang na P12.2 bilyon.
(7) Pinaka-tiwali sa Customs. P100,000 “tara” kada cargo container, o P237 bilyon kada taon mula sa 1.58 milyong 40-footers at 790,000 20-footers. Limang ulit ‘nun, P1.185 trilyon, ang nawalang buwis at import duties nu’ng 2022 pa lang – pang 9 taon MUP pensions.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).