Kaayusan at kalinisan. ‘Yan ang kinaiinggitan ko sa pamamasyal sa ibang bansa.
Sa Japan halos walang bumubusina sa daan. Itinuturing na kabastusan ang pagbeep-beep sa ibang sasakyan o pedestrians. Sa Pilipinas nakakatulig ang ingay ng jeepneys, bus at basurero. Pasire-sirena pa ang mga dumaraang opisyales.
Sa Europe may mga truck na iniiskoba ang aspaltong kalye at plaza tuwing hapon. Sa gabi bawal ang sasakyan para makapamasyal ang mamamayan. Sa Pilipinas ukab-ukab ang kalye. Ang papanghi ng plaza. Nagkalat ang basura kung saan-saan.
Sa Australia maraming pook pang-picnic. Karamihan libre. Sa gilid ng ilog, lawa, dagat, burol at gubat, naglipana ang mga ibon, bibi, kangaroo. May mga ihawan at gazebo. Malilinis ang mga banyo; may tubig, toilet paper, sabon at pangtuyo ng kamay.
Sa Pilipinas nakakadiri mag-picnic. May tae ng kalabaw, aso’t pusang gala at pulubing namemeste. Kalawangin o giba-giba ang mga pasilidad. Walang ilaw, flush, lababo, tubig, toilet paper, upuan ang inodoro. Ninanakaw ng mga hampas-lupa.
Sa America sala-salabat ang freeways. Maski 50 milya sa pagitan ng bahay at trabaho ay araw-araw minamaneho. Takot ang motorista sa Highway Patrol. Sa Pilipinas puro tollways. Kung ‘di magbayad doon, mapipilitan ang motorista dumaan sa makikitid na bayan-bayan. Nakaharang ang sidewalk vendors. Naninikil ang police patrol.
Naiinggit din ang 10 milyong Overseas Filipino Workers sa kaayusan at kalinisan sa ibang bansa. Ikinukwento nila ito sa kapwa Pinoy. Bukambibig nila: “Sana ganun din dito sa atin.”
Pero ganun pa rin dito: magulo, marumi, maingay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).