Malimit ipuna na makasarili imbis na maka-lipunan ang Pilipino. Makitid daw ang pananaw sa mga nagaganap sa paligid. Nitong pandemyang COVID-19, halimbawa, maraming ayaw mag-face mask. Sa pagkontra-bakuna, maraming naniwala na magiging zombie kung mainiksyunan. May mga nagpaturok dahil lang sinabayan ng local government nang pamimigay ng ayuda at premyo—hindi dahil tungkulin sa pamilya at komunidad na huwag ikalat ang COVID-19. May mga nangupit pa sa community pantries.
Binabalewala ng Pilipino ang global warming. Patuloy gumagamit ng single use plastics sa palengke, bahay, eskuwela at opisina. Hindi iniisip na dagdag basura lang ito, nakakabara ng kanal at ilog at bumubutas sa ozone layer kapag sinunog.
Walang pakialam sa maruming emissions ng sasakyan at pagsisiga ng basura sa bakuran, o sa paninigarilyo sa publiko. Mas nakakalala ang mga ito sa polusyon, kaysa init at usok sa pabrika. Nagkakasakit tayo sa baga dahil sa maruming hangin. Pero isinisisi natin ito sa kamalasan, hindi sa pagwasak sa kalikasan.
Kailan tayo matatauhan? Kung kailan wala na tayong mainom at makain dahil sa pagwasak ng super typhoons at heat waves sa pananim, poultries at piggeries? Kung kailan huli na ang lahat?
Dahil sa global warming nagdusa ang mundo ng dalawang taong La Niña. Hindi dati nangyayari ito. Pinakamatinding heat wave sa Europe sa nakaraang 500 taon. Natuyot ang taniman sa India. Pero binaha ng tatlong buwang ulan ang kapit-bansang Pakistan. Sobrang ulan sa kalahati ng China at Australia, sobrang init sa kalahati pa.
Uulit pa ang La Niña nitong 2022-2023. Sa Pilipinas patuloy pang bagyo at mudslides; kakapusan ng bigas, mais, asukal, asin, gulay, prutas; mababansot, mamamatay ang mga alagang manok, baboy at isda. Walang ibang bansang mabibilhan. Kikilos na kaya tayo?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).