Lampas hatinggabi nang bulabugin ng sundalo ang aming pagtulog sa selda. Akala namin ni Lito ay muli kaming bubugbogin. Mula nang ako’y kinarsel nu’ng Dec. 15 at si Lito Dec. 22, tigwalong sunod-sunod na gabi kaming pinahirapan. Sampal sa mukha, suntok sa dibdib at tiyan, halibas ng riple sa ulo at likod. Pilit kami pinaaamin kung saan nagtatago ang kung sinu-sino para makuha nila ang premyo sa ulo ng mga ‘yon. Edad-17 ako at edad-19 si Lito, mga aktibistang estudyante sa magkaibang pamantasan. Walang pormal na sakdal sa hukuman. Sa ganu’ng sitwasyon kami nagkakilala at ginawang magkaselda.
Inutusan kaming sumakay sa military jeep. Naka-briefs lang kami. Mula Camp Aguinaldo, dinala kami 15 kilometro sa isang burol sa Fort Bonifacio, na noon, 1972, ay puro damuhan pa. Maliwanag ang buwan. Nanginginig kami ni Lito sa ginaw.
Pinapulot kami ng sarhento ng tig-dalawang patpat. Ipinatusok ang una sa lupa. Pinahiga kami nang nakadikit ang paa sa patpat at pinatusok ang pangalawa sa lupa sa ulunan. Binigyan kami ng tig-isang maliit na pala. Pinaghukay ng sariling libingan. ‘Yun daw ang parusa namin sa hindi pagsuplong sa mga taong hindi naman namin kilala.
Pinilit kong umiyak, para kaawaan sana ng sundalo, pero walang luhang pumatak. Tinanong ko ang Diyos kung bakit bata ako papanaw. Nag-alala ako kung mahanap pa ng magulang ang bangkay ko.
Nakalipas marahil ang isang oras. Pinitik ng isang sundalo ang sigarilyo niya sa mukha ko. Sinimulan nu’ng isa pang sundalo patayin ang sigarilyo sa taynga ni Lito. Pinatigil na ang aming paghuhukay. Nagwakas ang psychological torture. Ibinalik kami sa selda.
Hindi kami makatulog muli. Nagkamay kami ni Lito. Nagawa pa naming magbiro na mabuti na lang nalusutan namin ang sinapit ni Jose Rizal 76 taon noon ang nakalipas.
Wala ako sa kalingkingan ng Dakilang Malay. Hindi siya natinag, hindi natakot sa bingit ng kamatayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).