DATI nang hinala ng maaagap na magulang na nakaka-adik ang video games. Nililimitahan sa kalahating oras lang ang anak sa paglalaro. Kundi’y nakakaligtaan ng bata ang pagkain at pag-aaral, at sumasakit ang mata, daliri at batok. Nananamlay at nananaba sa kawalan ng exercise. Nagiging bayolente tulad ng mga karakter sa games, at nawawalan ng gana sa pakikikapwa-tao.
May mga matatanda nga na na-aadik din sa vide games — bagama’t walang matibay na ebidensiya noon. Para bang mga sinaunang babala na nakaka-adik ang telebisyon o rock ‘n roll o tele-babad.
Ngayon opisyal na. Isinama ng World Health Organization ang pagka-sugapa sa video games sa International Classification of Disease. Kinatigan ng WHO ang pag-aaral ng psychiatrists at psychologists na sakit ito na dapat gamutin. Maaring gamitin ang health insurance.
Dati-rati’y ikinakabit ang adiksiyon sa mga bagay: pagkain, alak, droga, kape, nicotine. Ngayon kinikilala na nakaka-adik din ang mga gawain na nagpapasarap ng pakiramdam: sex, sugal at workout — pati labis-labis na ballroom dancing. Sinusukat ng mga eksperto kung ang gawain ay pampakalma lang o sobra na at nakakasira sa indibiduwal at relasyon nito sa tao. Kaya napabilang diyan ang video game syndrome.
Napatunayan din ng mga awtoridad na sadyang ginagawang masarap sa isip ang video games. Gamit ang computer analytics, nalalaman ng game providers kung ilang oras ang isang tao naglalaro, at ano ang mga hilig niyang karakter at challenge. Kaya ang games ngayon ay “free-miums” — ipinamimigay nang libre; kumikita ang provider sa pagbili ng naglalaro ng extra lives o pag-click sa advertisements.
Tama ang maalalahaning magulang na balansehin ang aktibidad ng anak. Konting video games, konting laro sa labas, wastong pagkain, sapat na tulog, tutok sa aralin, at pakikipagkuwentuhan sa pamilya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).