Nakopo ni Davao City businessman Dennis Uy ang Malampaya gas field sa pamamagitan ng bagitong kompanya na $100 ang kapital. Ngayon kumikita ito ng $1.15 milyon kada araw. Bago ‘yon pumuslit si Uy sa gas field ng estado gamit ang isa pang bagitong kompanya. Kumikita rin ito ng bukod na $1.15 milyon araw-araw.
“Lutong makaw,” umangal si Sen. Sherwin Gatchalian sa pagbigay ni Energy Sec. Alfonso Cusi kay Uy nang pinaka-malaking petroleum asset ng bansa. Nagdemanda ng graft laban kay Uy, Cusi, Shell, Chevron at PNOC-Exploration Corp. sina geologist Balgamel Domingo, at abogadong Filipino-Americans na Loida Nicolas Lewis at Rodel Rodis.
Anila maraming beses nakiusap ang Shell at Chevron kay Cusi na i-extend ang operating contract nila bago ito magtapos sa 2024. Kaya pang simutin ang gas at langis sa ilalim nito, at hahanap ng iba pa sa karatig. Hindi umano sila pinansin ni Cusi. Pumasok naman si Uy. Ibinenta na lang ng Shell at Chevron ang 90% shares nila sa dalawang bagitong subsidiaries ng Udenna Corp. ni Uy.
Demandado ang Shell at Chevron dahil, kontra sa batas, hindi muna nila inialok ang shares nila sa state firm PNOC-EC kung saan chairman si Cusi. Demandado rin ang PNOC-EC dahil, nang matuklasan nito ang bentahan, hindi nito tinapatan ang presyong alok ni Uy. E di sana ang PNOC-EC na pag-aari ng estado ang kumikita ng pinagsamang $2.3 milyon (P115 milyon) kada araw.
Sa halip nawala raw sa estado ang P42 bilyon kada taon. Ngayong hawak na ni Uy ang Malampaya, balak daw i-extend ang contract niya.
Mariing itinatwa nina Uy at Cusi ang anomang anomalya. Pribado umano ang bentahan, ani Uy. Dahil sa pandemya at higpit ng mga batas sa public bidding hindi nakakilos ang PNOC-EC, ani Cusi.
Si Uy ang pinaka-malaking contributor – P30 milyon – sa kampanya ni Rodrigo Duterte para pangulo nu’ng 2016.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).