HINDI kataka-takang lumiliit ang utak ng ina habang nagdadalantao. Kasabay nang maraming pagbabago sa katawan niya sa siyam na buwan ay ang epekto sa utak. Aakalain mo na hindi maaapektuhan ang mga ama, kasi hindi naman sila nabubuntis. Mali. Umuurong din ang utak nila kapag nagkasanggol.
Natuklasan ito ni Dr. Magdalena Martinez-Garcia ng Gregorio Marañon Health Research Institute, Madrid. Ineksperimento niya ang 20 ama sa Spain at 20 sa America na malapit na magka-anak. Control group ang 17 lalake sa Spain na hindi buntis ang misis. Dalawang beses sinukat ang laki ng utak nila, gamit ang magnetic-resonance imaging (MRI) scan, isang taon ang pagitan. ‘Yong unang 40 ama ay dumaan sa MRI bago at pagkatapos ng panganganak, ulat ng The Economist.
Sinukat sa scans ang laki at kapal ng cerebral cortex, parte ng utak para makakita, makarinig, makaamoy, makalasa, makaramdam, makasalita at makaintindi. Kinumpara ‘yon sa sub-cortex, kasama ang hippocampus na para sa pang matagalang memorya at amygdala na pangkalma ng pangamba.
Napansin na, bagamat maliit lang, umurong nga ang utak ng mga bagong ama matapos ng pagsilang. Iba-iba ang iliniit ng mga bahagi ng utak. Pinakalumiit ang likod ng cortex na pam-proseso ng impormasyon sa nakikita. Kasunod ang parte na pangmuni-muni, paglipad ng utak at pag-isip sa sarili. Linathala ito sa Cerebral Cortex journal.
Bakit kaya lumiliit ang utak ng ama? Hula ko lang ito. Nagbubulag-bulagan siguro sila sa tumutulong laway ng sanggol. Nagmamaang-maangan sa baho ng pupu. Nagbibingi-bingihan sa iyak. Nag-aantok-antukan para hindi bumangon sa hatinggabi para magpadede. E ‘yong bunton pa ng labahing lampin at bib.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).