PARA kay President Rody Duterte mauuwi raw sa giyera ang pagpapasoli ng Pilipinas ng siyam na bahurang inagaw ng China sa Pilipinas. At dahil may sandatang nukleyar ang China, wala tayong laban. Magtahimik na lang. Tinutuya ni Duterte ang panukala ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na mapayapang idulog sa United Nations ang usapin. “Bakit,” aniya, “kaya ba ng UN na utusan ang China na isuko ang pag-angkin sa dagat ng iba?”
“Siyempre,” mabilis at mariing sagot ni Carpio.
“(1) Nu’ng 1987 nagpasá ang UN General Assembly ng makasaysayang resolusyon. Inutusan ang Amerika na sumunod sa pasya ng International Court of Justice na pabor sa Nicaragua. Namukod-tangi ang Israel na bumoto sa panig ng Amerika. Makalipas ang ilang taon, tumupad din ang Amerika at nakontento ang Nicaragua. Nasira na kasi ang reputasyon ng Amerika sa mundo kaya napilitang makipag-tawaran sa Nicaragua.
“(2) Nu’ng 2019 muling nagpasá ang UN General Assembly ng makasaysayang resolusyon. Inutos sa Great Britain na isoli ang Chagos Archipelago sa Mauritius, segun sa opinyon ng International Court of Justice. Limang bansa lang ang bumoto panig sa Britain. Sa ngayon hindi pa tumutupad ang Britain. Pero nawawasak ang reputasyon niya bilang bansang marunong sumunod sa batas ng mundo.
“Malaking tagumpay kung makakuha ng resolusyon ng UN pabor sa iyong bansa. Nangangahulugan kasi ‘yon na suportado ang bansa mo ng mundo. Napapatatag ng lubos ang posisyon ng bansa mo, habang nalulusaw ang sa kalaban. Ganyan ang pagdepensa sa pambansang interes. Mali para sa isang bansa na tumiklop at sumuko dahil lang sa katigasan ng ulo ng kalaban. Isip-bata ‘yon.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
