MALIMIT mag-enkwentro ang Chinese at Indian border patrols sa mga pinag-aagawan nilang teritoryo. Pero imbis na magbarilan at kanyunan tulad nu’ng dekada-1960-1990, nagsusuntukan at nagbabatuhan sila ngayon. Nagkasundo kasi ang magkabilang gobyerno na disarmahan ang mga sundalo nila sa borders para hindi mauwi sa nuclear war ang maliliit na sagupaan. Pero, nagkakapatayan pa rin sila sa bato at kamao.
Ang modernong armies ngayon ay may sensors sa goggles ng sundalo na naka-online link sa riple niya. Naka-link sila sa heneral, sa mga eroplano nilang nagmamasid, at sa mga missiles sa base o barko. Nade-detect ng sensors kung nasaan ang kalaban, ano’ng gusali ang pinagtataguan (kuta, bahay, ospital), gaano karami at saan patungo. Madaling mababaril o mami-missile at ubusin ang kalaban. Gan’un natalo ng Azerbaijian ang Armenia nu’ng Enero 2022.
Kung ang magkabilang panig ay merong gan’ung teknolohiya, ubos kaya sila pareho. Kung hindi, maaring magpalipad ng drones ang mga armies para pakiramdaman kung meron pang nagtatago o sugatan. Makikita sila sa sensors, at isa-isang totodasin.
May hyper-velocity missiles ang China, Russia, America at Britain. Sa sobrang tulin ng pagtama nito sa target, mas malaki ang pinsala. Walang pinagkaiba sa kotse: mas matulin ang pagbangga sa pader, mas malaki ang sira. Pinupulido ng military powers ang hyper-velocity missiles bilang panuporta sa nuclear weapons. Nililimita kasi ng mga tratado ang bilang ng ginagawang nuclear pero wala pang kasunduan tungkol sa hyper-velocity bombs. Kapag sabugan ng hyper-velocity bomb ang base militar, pabrika ng armas, telecoms facility o sentro ng gobyerno, patay o lumpo pati mga civilian hanggang kilo-kilometro ang layo. Ang digmaan ngayon ay ubusan ng lahi.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).