Sa wakas binigyan na ng Comelec si Col. Leonardo Odoño (PMA ‘64) ng kopya ng transmission logs ng resulta ng Halalan 2022. Sa pagbunyag ng transmission logs, pakay daw ni Chairman George Garcia pawiin ang mga pagdududa sa bilangan ng boto.
Pero sa unang tingin pa lang ni Odoño sa logs, nakita raw niya agad ang umano’y ebidensiya ng pandaraya. Lumalabas na ang unang transmission ay 7:08 p.m. Imposible, maanomalya, at ilegal ito.
Ayon sa batas lahat ng 107,345 presinto ay dapat magsara nang alas-siyete. Kung may nakapila pang botante, papapasukin at pabobotohin muna sila. Tapos siyam na alituntunin ng Comelec ang dapat tuparin ng Board of Election Inspectors.
Pinakamahaba sa siyam na ito ang pag-imprenta ng walong kopya ng election returns. Nakatala sa ERs na ‘yun lahat ng boto ng lahat ng kandidato para sa lahat ng posisyong pambansa at lokal. Bawat kopya ay 3-4 minuto ang pag-imprenta, o 24-32 minuto lahat ng walo. Saka pa lang maari mag-transmit ng resulta patungong Transparency Server ng PPCRV sa University of Santo Tomas-Manila.
Kaya, paano nagkaroon ng transmission mula 7:08 p.m.?
Sampung buwan nang tinutuligsa ang resulta nina ex-Secretary of Information & Communications Technology Eliseo Rio, ex-commissioner Gus Lagman, at dating Financial Executives Institute president Franklin Ysaac. Bakit daw bumulusok ang 20.1 milyong boto sa unang oras pa lang ng bilangan. Imposible, maanomalya, lutong-makaw daw ito. Tapos pakonti na nang pakonti ang boto mula ikalawang oras hanggang matapos ang bilangan nang apat na araw.
Sana sagutin ni Garcia ang mga bagong katanungan. Huwag nang patagalin pa. Pitumpong PMA graduates ang sumusuporta sa hinaing ni Col. Odoño at dumarami pa silang mga retiradong heneral at koronel na naghahanap ng katotohanan at kalinawan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).