Nu’n pang 2018 binawal ng India ang TikTok. Kasama ang 48 online apps na gawang China, pang-espiya at propaganda raw ito ng Chinese Communist Party. Bigla natapyasan ang TikTok ng 200 milyon subscribers. Pero patuloy itong sumikat sa Americas, Europe, Asia at Africa. Mahigit isang bilyon na ang subsribers; 400 milyon sa United States pa lang. Hindi alam kung ilan ang subscribers sa mainland China.
Instant hit sa kabataan ng mundo ang TikTok. Maari kasing mag-share ng maikling self-video sa kahit ilang tao. Isa sa hit videos dito ay na-view ng 40 milyong beses. Pinaka-kinagigiliwang video ay ang mga alagang pusa at aso, at pag-lip synch. Pero maraming nakasingit sa archives na videos ng CCP, People’s Liberation Army, at mga umano’y tulong nito sa mga Chinese at dayuhan.
Nu’n ding 2018 inutos ni President Donald Trump na ibenta ang TikTok sa American investors, kundi’y isasara. Tumupad ang TikTok subsidiary sa America, pero nanatili pa rin ang main office sa China. Dahil du’n nangamba pa rin ang maraming gobyerno sa Europe. Sa Germany ibinawal ang app sa mga empleyado ng gobyerno.
Tatlong rason kaya kaduda-duda ang TikTok. Una, obligado ng batas sa China na palihim tumulong ang bawat mamamayan at kumpanya sa pag-e-espiya ng estado, sa mainland o abroad. Ikalawa, ino-obliga rin ng CCP na magkaroon ng komunistang unit sa bawat kumpanya, kung pwede ay mismong founder o chairman nito ang hepeng kadre. Ikatlo, inoobliga ng CCP na bawasan ang suweldo ng mga Chinese business executives at ilipat ang pera sa kung saan inutos; halimbawa sa operasyon ng PLA.
Siyempre todo denial ang TikTok executives sa America. Kesyo raw sakop sila ng batas ng US at hindi ng China. Kalokohan ‘yon. Maraming executives at supervisors ng TikTok-America branch na Chinese citizens kaya sakop sila ng batas ng China at utos ng CCP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).