Nakakaligtaang pandemya ang TB, na pumapatay ng isang tao sa mundo kada 20 segundo. Dalawang bilyon ng walong bilyong nilalang ang impektado ng Mycobacterium tuberculosis.
Karamihan walang sintomas, kaya hindi alam na impektado sila. Pero isa sa bawat 10 kalapit ay hahawaan nila. At maski nagagamot ang TB, pumapatay ito ng 1.6 milyon taun-taon, karamihan sa mahihirap na bansa.
Pinapatay ng TB ang 70 Pilipino araw-araw, isa bawat 20 minuto. Isa ang Pilipinas sa walong bansa na bumubuo ng 70% ng mga kaso. Pilipinas ang pang-apat na pinaka-malalalang bansa – 7% ng mundo.
Sa bawat 100,000 Pilipino 650 ang naimpekta nu’ng 2021. Lumala ito mula 554 kada 100,000 nu’ng 2020. Patuloy pa itong gagrabe.
Bumagsak nang 90% ang pag-ulat ng sampung bansa ng mga bagong kaso. Isa ru’n ang Pilipinas, anang World Health Organization.
Isang siglo na sa mundo ang bakuna kontra TB: ang BCG. Subok na itong epektibo. Walang dapat ikatakot ang mga Pilipino. Paturukan ang mga sanggol bago magdalawang linggo.
Dalawang bagong bakuna ang sinusubukan sa Africa at Asia. Mainam magpaturok din nito ang mga bata at matanda.
Masigasig ang Department of Health sa paggamot. Nakakamit sa apat na rehiyon ang target ng dami ng gagamutin: Metro Manila, Southern Tagalog mainland, Central Luzon, Western Visayas. Pero nangungulelat sa gamutan ang Bangsamoro Autonomous Region at Cordillera Administrative Region.
Karamihan ng naiimpekta ay maralita, anang DOH. Dahil ‘yon sa kapos na pagkain, siksikan at kulang sa bentilasyon, pagkalulong sa sigarilyo at alak, at ‘di nalulunasang diabetes at HIV. Dumarami ang walang trabaho at maralita gawa ng impeksiyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).