Taong 1505 nagdidisenyo na si Leonardo da Vinci ng flying machines. Para sa kanya, posibleng makalipad ang tao. Hindi lang ‘yon sa alamat ng flying carpet sa Arabia, o nina mag-amang Daedalus at Icarus ng ancient Greece na gumawa ng pakpak mula sa balahibo ng ibon pero nalusaw ng init ng araw ang pandikit na wax kaya lumagapak at nasawi ang huli. Problema lang ni Leonardo ay walang sumubok bumuo ng kanyang imbensyon dahil hindi alam kung ano’ng materyales ang angkop.
Nu’ng 1903 meron nang canvas para sa pakpak, bakal na tubo at, mahalaga sa lahat, diesel engine at propeller. Nabuo ng magkapatid na Orville at Wilbur Wright ng eroplano, at napalipad ito sa North Carolina.
Nagkaroon agad ng air forces nu’ng World War I at ginamit ang eroplano pambomba sa kalaban. Nagkaroon din ng zepellin na bus na tangay ng higanteng lobo.
Naimbento rin ang airliner na nagsasakay ng maraming pasahero sa pagitan ng mga airport. Sumunod ang helicoper na vertical takeoff, kaya hindi na kailangan ng mahabang airstrip. Tapos, ang space rocket at capsule na nagdadala ng tao sa buwan, at ng satellites pang-telecoms.
Mula sa mga laruang eroplano at choppers naisip ang drones o unmanned aerial vehicles. Pang-espiya at pampasabog ito sa giyera. Sa peacetime ay pang-deliver ng fast food at kargamento.
Nitong huling dekada nakagawa ng kotse na walang driver. Pati barko remote-controlled na. Natural na kasunod: flying taxi na walang piloto. Mahahatid ang tao sa sentro ng lungsod mula airport.
Ang mga prototype na pilotless air taxi ay pang-isa o dalawang pasahero. De-kuryente ang makina kaya tahimik at matipid. Top speed: 130 kph. Computerized ang ruta para umiwas sa matataas na tore o gusali. Matatag kontra malakas na hangin, at komportable.
Importante sa lahat: kaligtasan. Batay sa maraming test flights, handa nang payagan ang pilotless flying taxis sa America at Europe.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).