Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
SABLAY ang barumbadong estilo ni Rodrigo Duterte kontra pandemya. Nagbanta siya ng “shoot them dead” sa mga lumalabag sa lockdowns at curfew. Nagparada ng armored personnel carriers na de-machinegun sa mga kalsada. Dumampot ang pulis araw-araw ng daan-libong pasaway. Pero patuloy pumupuslit palabas ang taumbayan – para magtrabaho at makahinga man lang malayo sa siksikan at mabanas na barong-barong.
Karapatan ng tao maghanapbuhay at kumain. Dahil sa sapilitang community quarantines, kalahati ng 54 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho, at 90% ng isang milyong maliliit na negosyo ang nagsara. Kapos at atrasado naman ang ayuda mula Malacañang. Pera ng taumbayan ipinagkakait pa sa kanila. Kaya sinuway ng madla si Duterte.
Ampaw ang pa-macho. Pangako ni Duterte, “Ako ang bahala sa inyo”, tapos sumuko na “wala nang pera pang-ayuda.” Ang pagyabang na “Saan ba nakatira ang ‘vee-rus’ na ‘yan at sasampalin ko” ay taliwas sa agham: ga-tuldok lang ang virus pero deadly. Mali na murahin ang mga di-bakunado kung kulang naman ang biniling doses ng gobyerno.
Batay sa mga upak online, galit ang taumbayan sa tiwaling paggasta ng administrasyon kontra COVID-19. Hindi maipaliwanag ng Dept. of Health ang P67.3 bilyon. Hindi sapat ang sabi-sabi ni Duterte na hindi ito ninakaw, gayong walang panuportang papeles ang DOH. Bilyon pisong mga gamot ang malapit nang mag-expire pero nasa bodega lang. At kahindik-hindik na bumili ng face shields na halagang P125 at masks na P27 – kabuuang P25 bilyon – gayong P10 at P5 lang ang tingi nito. Minura ni Duterte ang state auditors. Pero pinagtatakpan si Health Sec. Francisco Duque, na pinare-resign ng 14 sa 24 na senador.
Humihingi si Duterte ng mas malaking halaga sa 2022 pang-pandemya. Tapos kumakandidato siyang Vice President. Natural lang na maghinala ang taumbayan kung mawawaldas sa kampanya ang perang pambakuna, testing, contact tracing, isolation at treatment.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
