UNANIMOUS ang 24 senador sa resolusyon nu’ng Agosto 1. Kinondena nila ang pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea. Tugon nila ‘yon sa surveys na 84% ng mga Pilipino ay nais igiit ang karapatang pakinabangan ang isda, langis, bahura at buhangin sa WPS.
Isang paraan ng paggiit ang pagbarena ng langis at gas sa Recto Bank (tinalakay ko kahapon). Marami pang ibang paraan:
– Idulog ang isyu sa United Nations General Assembly.
– Pagbayarin ang China sa pang-aagaw ng yamang dagat.
– Patrolyahan ang mga bahura at pangisdaan.
Isang taon ang paghahanda para sa una, ani dating Ambassador to the UN Lauro Baja Jr. Dapat kunin ang suporta ng America, Britain at France na permanent members ng UN Security Council. Panabla ito sa tiyak na pagkontra ng China at pagkampi sa kanya ng Russia, na permanent members din ng UNSC.
Tapos, kunin ang suporta ng ASEAN, European Union, Japan, South Korea, India, Australia, New Zealand, Canada. Gayundin ang sang-ayon ng maliliit na bansa na nakikinabang sa tagumpay ng Pilipinas nu’ng 2016 sa UN Permanent Court of Arbitration.
Dapat sa botohan ay makuha ang mayorya ng 193 kasapi ng UNGA. Kailangan madaig ang mga bansang boboto para sa China na pina-utang at sinuholan ng Chinese Communist Party.
Nakwenta na ang halaga ng mga bahurang winasak ng China: Panganiban, Burgos, Mabini, Calderon, Kagitingan, Zamora, McKennan, Panatag at Sandy Cay. I-update lang ang halaga na prinisenta ni dating foreign secretary Albert del Rosario.
Nakwenta na rin ang halaga ng ninakaw na isda. I-update lang ang numero ni international maritime lawyer Jay Batongbacal.
Kasama ang kaalyadong navies, patrolyahan ang mga bahurang balak agawin ng China: Pagkakaisa, Julian Felipe, Del Pilar, Escoda.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).