TATANGKAIN ni Xi Jinping na magkaroon ng ikatlong limang-taong termino bilang presidente ng China. Matagal niya nang inaambisyon ito. Pinabago niya ang Konstitusyon para puwede siyang maupo habambuhay tulad ni Mao Zedong. Sa National People’s Congress ipahahalal ang sarili maski maraming kontra sa loob ng Chinese Communist Party.
Kung makalusot man sa balakin si Xi, mahihirapan siyang mamuno, anang analysts. Gigil kasi sa kanya ang mamamayan na ni-lock down nitong 2022 dahil sa COVID-19. Imbes na sanayin ang China na mamuhay-pandemya sa pamamagitan ng epektibong bakuna, naglatag siya ng patakarang Zero Infection. Malupit ito at imposibleng makamit.
Pumuputak-putak din ang ekonomiya ng China. Sinakal kasi ang mga bilyonaryong kapitalista tulad ni Jack Ma ng Alibaba. Pinalamya ang hangaring tumubo sa negosyo, at pinatay ang ilang industriya tulad ng home tutoring ng mga estudyante. Napag-iwanan sila ng Kanluran sa kompetisyong hi-tech. At sa kaaaway niya sa America, Europe at Australia, nabawasan ang kanilang pagbili ng produktong China.
Nabuwisit din ang Kanluran sa pagkampi ni Xi sa panlulupig ni Vladimir Putin sa Ukraine. Natakot ang maliliit na bansa na baka gayahin niya ito at agawin ang Taiwan—at magpakalat ng mga base militar sa mundo. Kabado na nga ang United Nations sa pag-armas ng China ng supersonic missiles sa space satellites niya.
Lahat ng despots nagiging mas mabangis kapag nayuyugyog sa poder. Pumapatay ng sariling mamamayan. Nanggigiyera ng kapit-bansa. Nangwawasak ng kalikasan. Gagawin ‘yon ni Xi. Ang tatak-komunismo niya ay amor propio at kapalaluhan. Walang pakialam sa kinabukasan. Nais lang ipagmalaki ang kapangyarihan. Akala mo’y sinaunang emperador. Sana magising muli ang sleeping giant na China.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).