NAMUMULOT at namimitas lang ng pagkain ang sinaunang tao. Nagpapakabondat kung makatalisod ng mayabong na bungang-kahoy, kawan ng suso at tulya, o patay na hayop. Kasi hindi niya alam kung susuwertehin muli kinabukasan.
Dalawa ang natuklasan ng tao kaya natutong mangaso. Una ang apoy. Malinamnam pala ang karne kung naihaw. Pangalawa ang estilo ng mga hayop mismo para makahuli ng kakainin.
Minasid malamang ng tao ang palaka. Nakaupo lang nang walang kilos, parang bato. Pero pagdaan ng insekto, tinitira ng madikit na dila. Nagkunwari ring bato ang tao. Pagdaan ng daga, biglang dinamba.
Pinanood din malamang ang gagamba. Gumagawa ng madikit na sapot para mahuli ang insektong makakain. Ginaya ng tao. Naimbento ang lambat, panghuli ng kuneho at isda.
Napansin din ang angler fish. Mahaba ang sungot na may pang-akit sa dulo. Kapag nginata ng maliit na isda, sabay hila ng sungot papuntang bunganga. Naimbento ang pamingwit.
Sinuri ang estilo ng mga lobo, leon at hyena. Pulutong kung maghanap ng pagkain. Tulung-tulong sa pagdamba sa pinakamabagal o bata sa tinarget na kawan. Tapos hati-hati sa pagkain. Nag-grupo-grupo na rin ang tao sa pangangaso.
Marami pang natutunan ang tao sa pagdagit ng ibon, lason ng insekto at ahas, sungay ng elepante at usa. Natuto gumamit ng bato at bambo. Tinasahan ang patpat bilang sibat. Kinatas ang lason mula sa halaman at ahas. Humukay sa lupa at pumorma ng bitag na dahon. Senyasan lang ng mata, nguso at daliri para tahimik. Ginaya ang huni ng ibon panlansi. Sumakay sa kabayo; tinuruan umalalay ang aso.
Nagkaroon ng katiyakan ang pang-araw-araw na pagkain ng tao. Ginamit ang balat ng hayop bilang damit. Tumira sa kuweba. Natutong magkantahan, biruan, at mag-drowing sa pader. Nagka-kultura.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).