Hindi makapaniwala ang daan-milyong fans ni Anthony Bourdain nang magbigti siya ng sarili sa kuwarto sa Paris hotel nu’ng 2018. Naalala nina Pinoy journos Tony, Iris at Butch ang paghanga nila nang makapanayam siya ilang buwan bago ‘yon sa isang Malate bar. Tuluy-tuloy umano ang pagtungga niya ng SanMig, pagpapatawa at pagkuwento ng mga lugar na napuntahan at pagkaing natikman.
Simple lang ang format ng tv show niya. “Iniikot ko ang mundo, kumakain ng anu-ano, at ginagawa ang nais,” aniya. At ‘yon ang kinainggitan ng mga tagahanga kaya pinapanood siya.
Dalawang dekada bago nu’n, chef siya na nangangarap magsulat. Walang inimbentong bagong recipe pero pinamumunuan ang pagluto ng daang putahe sa restoran. Nalulong sa droga. Nang ilathala ang libro niyang “Kitchen Confidential” bigla siyang sumikat.
Naging sobrang aksyon ang buhay ni Anthony. Halos buong taon palundag-lundag ng continente para mag-shooting. Isang araw nasa India, kinabukasan nasa Iceland, tapos Buenos Aires, Sydney, Shanghai. Parating maliksi at masaya on-camera.
Off-cam marami palang gusot. Sira ang dalawang kasal, una ru’n sa Italyanang artistang Asia Argento. Maraming sakit; nag-i-steroid at human growth hormone. Malungkot, insecure sa sarili, naglalasing.
“Muhi ako sa fans ko, muhi ako sa trabaho ko, muhi ako sa buhay ko,” tinext niya sa misis ilang buwan bago magpatiwakal. Pero nu’ng gabi bago sa Paris, matapos ang shooting sa Germany, nag-bar-hopping sila ng tv crew. Walang patid ang patawa at daldal niya, parang ang dating Anthony, anang isang kasama. Walang pangitain ng trahedya, ulat ni Charles Leerhsen sa aklat na “Down and Out in Paradise”.
Nagkaka-trahedya, ani Oscar Wilde, kung puro tagumpay at walang kasawian, paalala ng Economist. “Ano’ng gagawin mo,” tanong ni Anthony sa fans sa Italy, “kung makamit mo na lahat ng pangarap?”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).