“BAKIT ang daming gustong mag-Presidente,” seryosong biro na tanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon nu’ng Hunyo. Mabibigat na problema ang haharapin ng susunod na Presidente, aniya. Una ang paglampas sa pandemya. Ikalawa, muling pagpapasigla ng ekonomiya at hanapbuhay. Ikatlo, reporma sa edukasyon. Ikaapat, pagpuksa sa katiwalian. Ikalima at pinaka-mahirap, pagkontra sa pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea.
Mula nang maupo si President Xi Jinping, tumindi ang pag-angkin ng China sa dagat natin. Pinigilan ang paghahanda ng Pilipinas para magmina ng langis at gas sa Recto Bank. Nasa loob ito ng 200-milyang exclusive economic zone natin. Tayo lang ang may karapatang magmina rito pero dinadaan ng China sa laki ng militar para harangin ang exploration vessels ng Pilipinas.
Kailangang-kailangan natin ang langis at gas. Mauubos na sa loob ng apat na taon ang laman ng Malampaya gas field. Sa Malampaya nanggagaling ang kalahati ng kuryente ng Luzon at 30% ng bansa. Kapag wala tayong reserba, magba-blackout sa Luzon at maaaring madamay ang Visayas at Mindanao. Kung walang kuryente, hindi makakabangon ang ekonomiya. Mananatiling hikahos ang isa sa bawa’t apat na pamilyang Pilipino o 27.5 milyong Pilipino.
Lalaspagin din ng China ang pangisdaan natin sa WPS. Kung hindi man gawing Chinese island-fortresses ang marami pang bahura natin, nanakawan ito ng rare metals at mga bagong gamot. Sosolohin ng China ang yamang-dagat natin.
Kung marupok ang susunod na Presidente, luluhod ito sa Beijing. Isusuko nito ang kasarinlan para bahagihan tayo ng konting langis, gas, isda, at iba pang yamang-dagat na ninakaw sa atin. Tatakutin ito ng Beijing na kapag humingi ng tulong sa Kanluran, Japan, Australia, India, at United Nations, lalo tayong pagkakaitan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).