Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
“Sumisilong lang sila sa bagyo.” Palusot ‘yan ng China embassy sa namataang 220 Chinese fisheries militia trawlers sa Julian Felipe Reef nu’ng Marso 7. Taga-loobang lupa ng China malamang ang nag-imbento nu’n. Hindi nila maloloko ang mga Pilipino na taga-7,641 pulo. Alam natin na amihan ngayon sa West Philippine (South China) Sea. Banayad ang panahon at kalmado ang dagat para sa malayuang pangingisda. Walang bagyo sa international weather bulletins nu’ng Marso. Sa Mayo-Nobyembre pa ang habagat, panahon ng bagyo at malalaking alon.
Mahigit isang buwan na ang 220 Chinese trawlers sa Julian Felipe (Whitsun) Reef. Walang gan’ung katagal na bagyo. Ang pinaka-malalang “siyam-siyam” ay, batay sa kataga, siyam na araw lang.
Lumang palusot na ang “sumisilong lang sa bagyo”. Ginamit din ‘yon ng China nu’ng 1994 sa pagtatayo ng mga kubo sa Panganiban (Mischief) Reef, 120 milya mula Palawan. Nu’ng sumunod na taon kinongkreto ng China ang bahura bilang naval at air base. Mula ru’n tinatakot ng mga barkong pandigma ng China ang mga Filipino surveyors ng langis at gas sa Recto (Reed) Bank ng Pilipinas.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Pati sa ibang bansa nagbubulaan ang China. Nu’ng 2020 dinagsa ng 360 Chinese trawlers ang Galapagos Sea, sa exclusive economic zone ng Ecuador. Nag-alala sa poaching pati ang mga kapit-bansang Peru, Panama, Costa Rica at Colombia, at sinabihan silang umalis. Nambola ang Chinese embassy sa Quito, na kesyo nagkukumpulan lang ang mga barko kontra sa bagyo sa international waters sa labas ng Galapagos.
Napatunayan ng satellites ang kabulaanan, inulat ng The Economist kamakailan lang. Mahigit 550 beses sinara ng Chinese trawlers nang mahigit isang araw ang kanilang GPS automatic identification systems. Pinasok nila ang Galapagos para magnakaw ng isda. Na-detect ang kanilang walkie-talkies, mobile phones, at collision-avoidance radars habang nampo-poach. Maski mga pirata ay hindi sini-switch-off ang mga ‘yon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).