SOCIAL media ang pangunahing pinagkukuhanan ng mamamayang Chinese ng katotohanan. Sinisikap ng China Communist Party i-censor ang socmed, kuwento sa akin ng mga kaibigan doon. Pero marami pa ring nakakalusot na impormasyon na nagpapasiklab ng damdamin.
Napabalita kamakailan sa socmed ang misteryosong pagkawala ng isang binatilyong edad-16. Ordinaryong estudyante lang siya; wala sa honor roll. Pero kataka-taka na inimbitahan siya ng isang pamantasan na mag-enrol. Binigyan pa ng libreng scholarship.
Makalipas ang tatlong buwan, naputol ang contact ng pamilya sa binatilyo. ‘Di na siya tumatawag o nagte-text. Lahat ng pag-uusisa ng kaanak ay sinalubong ng pamantasan ng katahimikan o kasungitan.
Hindi na makatiis, ipinaskel ng kuya ng binatilyo sa socmed ang mga pangyayari. May katangi-tanging blood type umano ang kapatid niya. Naghihinala sila na kinidnap ito para ibenta ang dugo sa mga mayayamang nangangailangan.
Napilitang makialam ang pulis. Minanmanan ang campus ng dose-dosenang unipormado at detectives.
Tapos isang madaling araw natagpuan ang bangkay ng biktima na nakatali sa sanga ng puno ‘di-kalayuan sa campus. Paano nangyari ‘yon, gayong ang daming pulis na nakatanod at masusing ginalugad ang paligid? Daan-milyon ang sumubaybay sa balita.
Mainit din sa socmed ang sinapit ng isang babaeng biglang nawala sa baryo. Nagre-repair ng lababo ang isang tubero sa kabilang probinsiya nang matagpuang may babae sa cabinet sa ilalim. Mabangis ang babae, kinalmot siya tapos umiyak nang aluking kumain. Nagtahimik ang tubero sa lalaking umupa sa kanya pero isinumbong niya ito sa pulis; walang aksyon. Pinaskel niya sa socmed ang kuwento. Nang milyon na ang nakabalita, saka lang nag-imbestiga ang pulis. Binili pala ang babae mula sa dating asawa at ginawang alipin. Buti na lang nailigtas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).