MAINIT ang mata ngayon ng awtoridad sa vegetable smuggling. Maliit ang kita; mabigat ang parusa. Pero patuloy ang raket maski malimit madiyaryo. Bakit? Mag-process of elimination tayo, tulad sa Pinoy Henyo.
Nu’ng June 28 sinabat ng Customs ang puting sibuyas mula China. Halaga: P6 milyon. Kesyo steamed buns (siopao) ang kargamento ng Silverpop Dry Goods Trading. Madaling natiklo ang tatlong 40-foot cargo containers sa Manila International Container Port. Kabubunyag pa lang ng Senado sa 22 opisyales ng Customs at Department of Agriculture na umano’y kasapakat ng smugglers. Nakatutok lahat sa X-ray section.
Tinuturing na economic sabotage ang vegetable smuggling kapag ang halaga ay lumampas sa P1 milyon na gulay, prutas, mais, karne, at iba pa, at P10 milyon na bigas. Walang piyansa ito. Habambuhay na kulong at multang doble ng halaga ng ipinuslit ang parusa.
Hindi economic sabotage ang habla ng Customs kundi paglabag lang ng Customs Modernization and Tariff Act. Sa kahinaan ng hustisya sa Pilipinas, magtatagal ang kaso sa korte at malamang makalusot ang smuggler. Ipagpalagay na kalahati ng P6 milyon ang kita niya. Pero bakit pa rin niya isinapalaran na matiklo at makasuhan? Ito ba’y dahil alam niyang mababaw na kaso lang ang susuungin? O may iba pang rason?
Pareho lang ang bigat ng parusa kung droga ang kontrabando. Wala ring bail; habambuhay na kulong. Pero mas madali itago ang krimen at mas malaki ang tubo.
Ang isang kilo ng shabu, kasinliit lang ng supot na plastic ng isang kilong asukal, ay P8 milyon. Kasya ang 100 supot, halagang P800 milyon, sa isang balikbayan box. At kayang itago ang 10 ganung kontrabando, P8 bilyon, sa isang cargo container. At kung tatlong cargo container gaya ng insidenteng ito, e ‘di P24 bilyon ang kikitain.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).