NAGLABAS si Migrant Workers Sec. Susan Ople ng 20 alituntunin sa labor recruiters. One-strike policy – kanseladong recruitment license agad ang parusa sa paglabag.
Kabilang sa 20 “mortal sins” ang pag-recruit ng menor de edad, at sa trabahong panganib sa buhay, pangkalahatang kalusugan, moralidad, dignidad ng tao, at reputasyon ng bansa. Panunuhol, korapsyon, padri-padrino. Panlilinlang, pag-recruit ng walang kontrata o paggamit ng papeles ng iba, pag-deploy sa ibang employer o sa bawal na pook.
Sa higpit ng 20 alituntunin, matitinong recruiters lang ang matitira sa industriya. Obligado pa sila mag-escrow deposit ng P1.5 milyon pang-emergency gastos sa kapakanan ng recruit.
Kung kaya ng DMW maghigpit sa recruiters, mas dapat sana maghigpit ang gobyerno sa empleyados nito. Halimbawa:
– Ibawal ang kandidatura o pagtalaga sa sinumang nahatulang tiwali ng lower court. Inaabuso ng mga korap ang mabagal na hustisya. Puro apela sa mababa o mataas na korte. Bawat apela ay inaabot ng maraming buwan para desisyunan. Sa huli, patay na ang mga testigo. Nakakawala ang korap para enjoy-in ang milyon-pisong kinurakot.
– Tanggalin agad ang umabusong pulis. Nananatili sa unipormadong serbisyo ang mga paulit-ulit na nangsa-salvage o pumapatay ng suspek, nangingikil, nagre-recycle ng kumpiskadong droga, nagbebenta ng baril na issued sa kanila, nagtatanim ng ebidensiya. Pinalalala nila ang kriminalidad.
– One-strike policy din sana sa burokratang binabagalan ang pag-isyu ng papeles para humingi ng “langis” (suhol). Sinisira nila ang kabuhayan ng mga nag-a-apply ng lisensiya at ang imahe ng gobyerno. Ni hindi nabubuwisan ang kinikita sa korapsyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).