NAPALUNDAG malamang si Senator Francis Tolentino sa balita nu’ng Agosto. Dinakip ng awtoridad si Adora Faye de Vera, matandang kapatid ni Commission on Higher Education head Prospero de Vera sa salang rebelyon. Agad gustong baguhin ni Tolentino ang batas sa SALN, o Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Dapat daw ilista ng bawat opisyal at empleyado ng gobyerno ang mga kamag-anak na kasapi ng sindikatong terorista o kriminal. Hanggang 4th degree of consanguinity daw dapat: magulang; anak; kapatid; pinsang buo; lolo’t lola, apo, tiyo’t tiya at pamangkin pati sa tuhod at talampakan. Kailangan daw protektahan ng estado ang sarili.
Merong dalawang mas malaking problema sa SALN law na lutasin sana ni bagitong mambabatas na Tolentino. Una, ipatupad nang lubos ang probisyon na isapubliko ang yaman ng taga-gobyerno. Alisin ang mga pahirap na ipinataw ng Korte Suprema, Ombudsman, Malacañang at Kongreso sa paglantad nito. Layon ng SALN law ang transparency, hindi ang paglilihim.
Ikalawa, saad sa batas na ilista ng taga-gobyerno lahat ng kamag-anak sa dugo at kasal na nasa gobyerno rin. Paraan ito para mabisto ang political dynasties. Saad sa Konstitusyon na buwagin ang dynasties para makalahok lahat ng mamamayan sa serbisyo publiko. Asikasuhin sana ito ni Tolentino.
“Kongreso ang pinakamalaking sindikatong criminal,” anang BizNewsAsia nu’ng Sept. 2013. Dalawampung senador, 100 kongresista at lahat ng kasapakat nila sa pork barrels ay nilista ni fixer Janet Lim Napoles, ulat ng Inquirer nu’ng May 2014. Papartehin ng mga senador at kongresista ang P99-bilyong pork barrel, ulat ng Philippine Star nu’ng Feb. 2019. Katibayan lahat ‘yan kung anong salot sa lipunan ang dinudulot ng political dynasties. Sila ang mga terorista at kriminal na nagpapahirap sa taong bayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).