Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Labis na mas masakit ang kagat ng insektong nagkakawan, halimbawa sundalong anay, kaysa nag-iisa, tulad ng putakti. Nanunurok kasi ang insekto para mas maraming makuhang pagkain, makapagtatag ng kolonya, at maipagtanggol ang mga larba. Mas malaki ang panganib sa kanila, mas makamandag.
Natuklasan ‘yan nu’ng 1983 ni entomologist Justin Schmidt. Noon siya nagsimula magpakagat sa 78 uri ng insekto. Gumawa siya ng Schmidt Index, 1 hanggang 4, batay sa sakit na dulot nila.
Ginawa niyang batayan ang kirot na dulot ng bubuyog, 2, dahil maraming nakaranas na nito. Patula ang paglalarawan niya ng sakit. Ehemplo, club-horned wasp, 0.5, “walang binatbat”. At sweat bee, 1, “malumanay, napaso ang isang balahibo sa braso”; honey wasp, 2, “maanghang, bulak na sinawsaw sa sili at sinalaksak sa ilong”; red-headed paper wasp, 3, “nakakabaliw na sidhi ng asul na apoy”.
“Hindi ako masokista”, malimit sabihin ni Schmidt. Nag-ambag ng sariling pagpapaturok ang mga kasamahan niya. Pero karamihan sa listahan ng 78 insekto ay sa personal niyang sakripisyo. Humihinga muna nang malalim bago magpakagat, mapapamura nang konti tapos inoorasan at isusulat ang mga obserbasyon. Tiniis siya ang bagsik ng kamandag ng Maricopa harvester ants sa Sonora desert, Arizona, 4, “tila walong oras na binabarena ang daliri”.
Pinakamabangis ang mga insekto sa South America. Nangisay siya at binabad sa malamig na serbesa sa lason ng bullet ant, 4+, sa Brazil. Nabingit-buhay siya doon, pero naisulong ang siyensiya.
Binansagang “King of Sting” si Schmidt. Hanga sa kanya ang madla. Alam niya na babaeng insekto ang nanunurok at takbuhin ang mga lalaki. Pinapasiklaban niya ang mga tagahanga na hindi ito alam. Dumadampot siya ng lalaking insekto at pinagagapang ito sa kanyang pisngi. (Halaw mula sa The Economist)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).