SINALIKSIK nina Patrick Renucci at Rachel Renucci-Tan ang pagpapalay. Inikot ang Southeast Asia, Taiwan, Japan at China. Pati International Rice Research Institute sa Laguna at PhilRice sa Nueva Ecija. Bumili ng palayan sa Alangalang, tinuruan ang mga magpapalay ng makabagong pamamaraan at nagtatag ng farming academy. Ayaw magpautang ang Landbank. Naki-partner sila sa Chen Yi Agventures. Binuo ang pinaka-moderno at todo-mechanized na pasilidad sa bansa, P1.7 bilyon.
Sampung higanteng combines ang pambungkal, pang-ani at pang-giik. Tinibag ang mga pilapil para matamnan din. Hand-held mechanical blower ang panghasik; walang sayang, eksakto ang baun ng binhi para hindi matuka ng maya. Backpack ang pang-spray ng pataba. Tinutuyo at binabayo ng makina ang palay sa loob ng sampung oras mula ani. Binobodega sa apat na higanteng silos, tig-1,500 toneladang kapasidad sa 21º centigrade. Walang peste at bukbok sa ganu’ng temperatura. Nananatiling mabango, sariwa at malasa ang bigas.
Pinautang nina Renucci ng pataba ang magpapalay. Interes: 2% kada taon, palay hindi pera, batay sa halaga ng produksiyon na P12 per kilo o P600 per sako. Ehemplo: 5 kilong palay, halagang P60, bilang interes sa P3,000 pautang. Pero binibili nina Renucci ang ani nila nang P16.50 per kilo, mas mataas kaysa traders o National Food Authority.
Pinahihiram ang combines sa 8% ng ani kada ektarya, pang-diesel at maintenance. “Nasira ang dalawang combines nang ibangga sa puno ng niyog habang inaaral manehohin ng trainees namin,” kuwento ni Patrick. “Nu’ng una takot sila sa combines, ang tawag nila ‘halimaw’.” Nagbago ito nang minsan papalapit na ang malakas na bagyo. Nakiusap ang mga magpapalay na tulungan silang sagipin ang tanim. Paspasan itong inani sa maghapon. Daang-tonelada ang nasalba, ani Patrick.
Fourth-class municipality ang Alangalang pagdating nila Renucci. Ngayon 2nd class na, may mall, hotels, at Jollibee.
(Itutuloy sa Friday)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).