NANGANGALUGI nang bilyun-bilyong piso ang coal-fired power plants. Nagmahal na nga ang coal nang pitong beses nitong 2021-2022, kapos pa ang global supply dahil sa Ukraine war. Tapos matutuyot na ang Malampaya gas field. Wala pang pamalit; samantala, inaagaw ng China ang langis at gas sa Recto Bank. Mahirap at matagal ding maghanap ng geothermal energy sources, maski maraming bulkan sa kapuluan.
Paspasán sana ng gobyerno ang paggamit ng renewable energy.
Pangunahin dito ang solar. Malawak ang surface water ng mga dams sa La Mesa, Ipo, Angat, Pantabangan, Magat, Ambuklao, at iba pa. Maaring maglatag doon ng floating solar panels. Makakakuha ng enerhiya sa sinag ng araw para patakbuhin ang mga pabrika, opisina ng gobyerno, ospital, eskuwela, malls at bahayan. Malilikom ang kuryente sa storage batteries para magamit sa gabi.
Merong dalawang malalaking pabrika ng solar panels sa Pilipinas. Bukod pa ang ilang maliliit. Karamihan ng produkto nila ay ine-export sa America at Europe. Pakyawin at gamitin ang panels dito.
Init ng araw ang nagpapaihip ng hangin. ‘Yon ang prinsipyo ng wind turbines. Nakaka-generate ng kuryente ang pag-ikot ng turbines. Merong ganyan sa tabing dagat ng Ilocos Norte, probinsiya ni President Ferdinand Marcos Jr., kaya alam niya ang teknolohiya.
Merong 7,641 isla sa kapuluan. Sa halos lahat ay maaring magtayo ng wind farms. Gayahin ang Germany, na umani ng labis na wind electricity. Nagmura ang kuryente nila nang siyam na beses, €80 per megawatt-hour na lang mula €720.
Kapag umiihip ang hangin, nagkakaalon sa dagat. Tulad sa Portugal, maari maglatag ng electric turbines sa dagat na pinaaandar ng alon. Dahil sa pag-ikot ng mundo sa axis at pag-ikot ng buwan dito, nagkakaagos (tide). Puwede rin ‘yon gamitan ng electric turbines.
Hindi nauubos ang araw, hangin, alon at agos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).