PANAHON nang imbestigahan ang isang raket sa edukasyon. Limang taon nang pinagbubulungan kung bakit dumami ang private schools na kunwari’y espesyalista sa pagtuturo ng Grades 11-12. Samantala, hindi nagdadagdag ang public schools ng classrooms para sa ganung senior high school.
Ang rason: nanunuhol umano ang private school ng P5,000 kada estudyante na palilipatin doon ng public school principal. ‘Yun ay para makalawit ang P18,000 na subsidy ng DepEd kada bata sa isang school year. Kung 100 estudyante ang ilipat ng principal, kikita siya ng P500,000. Kakabig naman ang private school ng P1.8 milyon. Tahimik lang ang magkabilang panig.
Kapag pumasok ang korapsyon sa sistema, mawawala ang misyon ng edukasyon. Nagiging tubo ang pakay ng institusyon, imbis na ihanda ang estudyante para sa kinabukasan.
Uupa ang private school ng kung sinu-sino lang para magturo. Maski mapurol ang guro at hindi niya linya ang subject, puwede na. Karampot lang ang isusuweldo sa faculty.
Pagdadamutan din ng private school ang mag-aaral ng mga pasilidad. Kakarag-karag ang mga laboratoryo para sa college preparatory Biology, Chemistry at Physics. Malamang ni walang Speech at Computer labs, at Sports gym.
Ang resulta: patuloy magpapa-graduate ang mga paaralan ng mga mapupurol sa Math, Science at Reading Comprehension. Patuloy mangungulelat ang kabataang Pilipino kumpara sa mga taga-kapit-bansa. Mahuhuli sila sa pila ng mga aplikante sa trabaho sa malalaking kompanya. Mananatiling maralita ang kanilang mga pamilya.
Hindi pa “victory” ang nakamit ng DepEd sa pagbalik-klase nu’ng Agosto 22. Nagsisimula pa lang ang labanan kontra kamangmangan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).