Pumutok sa galit ang president-CEO nang malaking telecoms firm. Ipaliliwanag sana niya ang mga bago nilang produkto sa mga bisitang negosyante at newsmen sa 5-star hotel. Engrande ang event; milyong-piso ang nagasta sa pagkain, inumin at give-aways. Pero biglang sumablay ang audio-visual presentation na panuporta sa talumpati niya. Ngongo ang audio at ayaw lumabas ng video. Sabi niya sa mikropono, “Hindi ba man lang kayo nag-dry run kanina bago magsimula ang programa? Anong tingin n’yo sa trabaho? Puwede na ‘yan?”
Iniimbestiga ang bus driver sa presinto ng pulis. Nabangga niya ang kotseng kasalubong sa highway. Lima ang patay. Inusisa ng pulis kung bakit siya um-overtake nang alanganin sa lane ng kotse. Sagot ng driver habang kumakamot ng ulo na akala niya kasi gigilid ang kotse sa shoulder dahil malaki ang humaharurot na sasakyang paparating. “Basta akala, tiyak na mali!” Binara siya ng galit na pulis.
Dalawang masamang asal ng Pilipino ang padaskul-daskol at sobrang pag-aakala sa trabaho. Imbes na ipulido ang gawain, inaapura ito at hindi man lang tinitiyak kung tama. Ang nasa isip ay, “Puwede na ‘yan!” Kapag pumalpak at sinita ng boss, nagpapalusot pa na akala niya kasi ay kesyo… Hindi siya natututo na, “Basta akala, mali!”
Malalaking halaga ang nawawaldas sa asal na “puwede na ‘yan”. Maaring ma-reject o ipaulit ang proyekto, gumuho ang ginawa o may mabuwis na buhay. Dapat ituwid ng management ang maling asal. Ipukpok sa isip na “basta akala, mali”.
In demand umano ang mga Pilipino sa mga trabaho abroad. Mahusay raw kasi at nakakatapos sa takdang oras. Sila ang nire-renew parati ang overseas work contract. Ang mga masasama ang asal ay naiiwan sa bansa at walang makuhang pirmihang trabaho.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).