Kaya ng tao magpakamatay. Kaya ng sangkatauhan wasakin ang sarili. Nangyayari na ang hulí. Pagpipilian na lang ay kung biglaan o unti-unti ang paggunaw ng mundo. Ramdam na ito ng marami.
Biglang mamamatay ang sibilisasyon sa nuclear war. Naggigirian ang Kanluran at ang tambalang Russia-China. Kabilang sa Kanluran ang America, Britain at France, pawang may nuclear arms. May nuclear missiles at bombs din ang Russia at China. Walang makaawat sa kanila. Silang lima lang ang permanent members ng UN Security Council kaya may poder na mag-veto. Hindi nila pinapansin ang pamamagitna ng India, pang-anim na bansang may nukes. Sinisikap ng North Korea at Iran gumawa ng nuke missile sa tulong ng Russia at China.
Magkamali lang ang isa sa lima na pasabugan ang kabila, tiyak gaganti. Hindi na pag-uusapan kung aksidente lang ang pagkalabit sa nuclear trigger. Bago pa patagin ng unang bomba ang target na siyudad, lumilipad na rin ang missiles ng kalaban. Madadamay ang maliliit na bansa kung saan may mga base militar ang lima. Kung may matira mang konting tao, hindi na sisikapin ang edukasyon, pagbasa at sulat, at teknolohiya. Pagpitas at paghuli na lang ng makakain ang aatupagin.
Unti-unting pinapatay ng climate change ang tao. Sa taong 2025, iinit masyado ang bandang equator. Sisirain ng tag-tuyot at super-bagyo ang pananim at hayop. Magliliyab ang mga tuyong gubat sa Palawan, Mindanao, Borneo, Madagascar, Africa at South America. Kakalat ang usok at carbon dioxide sa North at South Hemisphere. Mamamatay rin ang mga tao at hayop doon.
Ang sitwasyon ay parang bangka na dahan-dahang napupuno ng tubig. Darating ito sa punto na biglang titikwas. Patay lahat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).