DATI-RATI mayayamang gobyerno lang ang nakakapag-landing ng space craft sa buwan. Ngayon mga pribadong kumpanya na ang nagkakarera patungo du’n.
Tatlo silang nag-uunahan. Pare-parehong walang crew. Isa ang Hakuto-R Mission 1 ng kumpanyang Hapon, iSpace. Disyembre 11 pa ito ni-launch ng Falcon 9 rocket na gawa ng SpaceX ni Elon Musk. Apat na buwan ang biyahe para tipid sa fuel. (Matulin ang Apollo missions ng NASA, ilang araw lang ang lipad, pero magastos sa fuel lalo na para bumagal muna at makapasok sa lunar orbit.)
Lalampas muna ang Hakuto-R nang 1.4 milyong kilometro sa buwan. Tapos, dakong katapusan ng Abril, magpi-free fall ito papasok sa lunar orbit. Mula orbit magdidiskarga ito ng dalawang maliliit na moon rovers. Isang rover ay kasing-liit ng baseball pero maraming camera. Susuriin ang lupain ng buwan.
Baka mauna pa ang dalawang spaceships na paliliparin ngayong Marso. Gagamit din ng Falcon 9 rocket ang Nova-C, proyekto ng bagong kumpanyang Intuitive Machines sa Texas. Anim na araw lang ang biyahe. Didirekta ito sa buwan, wala nang pasikot-sikot, sa paniwalang maiiwasan nu’n ang nakakasirang radiation. Matapos ang maikling orbit, la-landing mismo sa buwan ang Nova-C saka lang maluluwal ng rovers.
Ang Peregrine, tulad ng Nova-C, ay kumopya ng teknolohiyang Morpheus moon landing ng NASA. At pareho silang pinakiusapan na magkarga ng kagamitan ng NASA para sa saliksik. Gawa ng Astrobotic Technology sa Pennsylvania ang Peregrine.
Turismo at pagbiyahe ng kargamento ang pakay ng karera sa buwan. Malalaman sa test flights kung kaya nang magdala roon ng civilians. Nu’ng 2022 nagkarera ang Space X, Virgin Galactic ni Richard Branson at Blue Origin ni Jeff Bezos magpadala ng turista sa Earth orbit.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).