Pinayagan ni President Duterte mula 2016 na mangisda ang China sa West Philippine Sea. Hinayag niya ito sa publikong padasal ni Pastor Apollo Quiboloy nu’ng 2019, matapos banggain at palubugin ng bakal na Chinese maritime militia trawler ang kahoy na bangkang Pilipino sa Recto Bank. Sabi pa ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo noon na legal ang kasunduang salita kay Chinese President Xi Jinping.
Gaano karaming isda ang maaring hulihin ng China? Walang kasulatang isinumite si Duterte kasi malamang na ibasura ng Senado.
‘Yan ang dahilan sa patuloy na panghihimasok ng China sa 200-milyang exclusive economic zone natin. Anumang protesta ng Dept. of Foreign Affairs at babala ng Dept. of National Defense ay binabalewala.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Nu’ng unang dalawang linggo ng Abril humakot ang 240 Chinese militia trawlers ng tig-240,000 kilong isda sa Pagkakaisa Bank at Kalayaan Islands. Kabuuang 57.6 milyong kilo ang tinangay. Halagang P4.4 bilyon ang inagaw sa Pilipinas. Batay ‘yan sa P76.70 kada kilo na halaga ng huling isda sa South China Sea noon pang 2018, ayon sa Southeast Asia Fisheries Development Council.
Dalawang linggo lang ‘yon ng Abril sa Kalayaan at Pagkakaisa. Bukod pa ang tinangay ng China sa panahon ding ‘yon mula sa Recto Bank at Panatag Shoal, mayayamang tradisyonal na pangisdaan natin.
Malalaki ang steel trawlers ng China, 60 metro, mas mahaba pa sa dalawang basketball court. Kaya nila lumayag sa amihan o habagat buong taon. Maaring trilyong pisong isda ang nawawala sa Pilipinas dahil sa kasunduan nina Duterte at Xi. Sa ano’ng kapalit?
Pitong bahura ng Pilipinas ang kinongkreto ng China bilang island fortresses mula 2013. Nawalan tayo ng natural resources: pagkaing dagat, buhangin, bagong gamot, balanse ng kalikasan, at iba pa. Batay sa lawak ng winasak at sa pandaigdigang kuwenta, anang U.P. Marine Science Institute professors, P32.1 bilyon ang nawawala sa Pilipinas kada taon. Nitong walong taon P256.8 bilyon na ang pinsala sa Pilipinas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
