Baliktad na ang mundo. Armado ng baril at itak ang mga namamasok sa environment protected areas tulad ng Masungi Georeserve sa Baras, Rizal. Lakas-loob lang ang pinanghahawakan ng park rangers na binabantaan nila. Pitong park rangers ang binugbog nu’ng Pebrero.
Nag-iisa ang Masungi Georeserve Foundation na nagtatanim ng puno sa Marikina watershed. Samantala, dalawa ang rock quarriers sa Baras at 15 sa Montalban, Rizal. Napipigilan ng pagbabalik ng gubat ang pagguho ng lupa. Ang pagkakalbo at pagpapatag ng bundok na ginagawa ng 17 quarries ay nagdudulot ng baha sa ibaba. Daan-daan ang namatay at libu-libong bahay at sasakyan ang nasira sa bumulwak na putik nu’ng storm Ondoy 2009 at typhoon Ulysses 2020.
Kung hindi pulitiko mismo, may protektor ang may ari ng quarries. ‘Yun ang dahilan kaya nananatili sila maski bawal sila sa anumang watershed.
Si President Ferdinand Marcos Jr. ang makakahinto ng ilegal na gawain. Mauutusan niya ang Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau na bawiin ang ilegal na quarry permits. Maipadadakip niya sa pulis ang quarriers at mga kasapakat na kaingero. Maitutuwid niya ang sitwasyon sa Masungi at iba pang pook na winawasak ng quarriers.
Isang ecosystem ang hangin, bundok, ilog at dagat. Lahat ay dapat panatilihing malinis para sa kalusugan at kapakanan ng tao. Binanggit ‘yan ni Marcos Jr. sa talumpati sa UN General Assembly nu’ng Setyembre. Mapapatunayan niya ang sinseridad para sa kalikasan kung ipagtatanggol niya ang Masungi Georeserve at Marikina watershed. Magpapasalamat sa kanya pati mga biktima ng quarries sa paligid ng Mayon Volcano, sa Zambales, at mga bundok ng Davao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).