DALAWANG ehemplo lang ito kung paano winawaldas ang pera ng bayan.
Sa hearings ng 2023 national budget nasilip ang plano ng Bureau of Fire Protection. Bibili ito ng 2,282 baril para sa mga bumbero. Halaga: P45 milyon, mula sa P94 milyon savings.
Magkano ba ang firetruck, usisa nina Sen. Nancy Binay, JV Ejercito at Koko Pimentel. Bakit baril imbis firetrucks? ‘Di ba’t walang pamatay sunog ang 203 municipalidad? Bakit kayo may savings na P94 milyon?
Supalpal lahat ng sagot ni BFP chief Louie Puracan. P15-M kada firetruck. Nagka-P94-M savings dahil pumalpak ang firetruck bidding. Anim na firetruck ang mabibili kung mag-rebidding ng P94-M. Pulis ang bahala sa kaayusan sa sunog. Mas kailangan ng bumbero ng kagamitan at pagsasanay. Pati Dept. of Budget and Management ay may sala sa paglaan ng P45-M para sa baril na hindi naman pamatay-sunog.
Humihingi ng dagdag na P10 bilyon ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Pero ito ang sisti: hindi pa nito nali-liquidate ang P16 bilyon na budget noon pang 2021. Sinita na nga sila ng Commission on Audit. Ang inulat lang ng ELCAC ay P2.9 bilyon ongoing projects at P3.2 bilyong completed – ni wala pa sa kalahati ng P60 bilyon. Pero dapat daw sila pagbigyan, daldal ng DBM.
Nagngingitngit ang editorial assistant kong si Ms. Rell, 20, habang sinusulat ito. Estudyante siya sa pamantasan at student council president ng kolehiyo. Nagulat siya na nagwawaldas ang gobyerno ng bilyun-bilyong pisong salapi ng bayan. Samantala kung hihingi sila ng P10,000 pondo pang project, kailangan naka-detalye lahat ng paggagastusan. At pagkatapos ay dapat i-account ang aktuwal na gastos at isoli ang sobra. ‘Yon ang wastong kalakaran sa lahat. Bakit sa gobyerno kabaliktaran?
Hoy mga kawatan, matuto kayo sa mga bata!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).