
Sa loob lang ng isang minuto nu’ng Sept. 22 inaprubahan ng House of Reps ang P785.2 milyong budget ng Office of the Vice President para 2027. Ni hindi sumipot sa Kamara si VP Sara Duterte.
Nakakapagtaka ito. Wala ni isang kongresistang nag-usisa sa detalyes ng gastusin ni Sara. Pero n’un lang May 11 in-impeach si Sara ng 257 sa 318 kongresista, o 81%. Dahil ‘yon sa pagwaldas ng P612.5 milyong confidential funds niya nu’ng 2022-2023, at sa tagong yaman niyang P817.87 milyon. Bakit tila biglang nagtiwala ang mga kongresista kay Sara?
Makalipas ang dalawang araw, Sept. 24, inaprubahan din sa loob ng isang oras ang P10.156 bilyong budget ng Office of the President para 2027. Imbis na si Majority leader Sandro Marcos, si minority leader Marcelino Libanan ang nagmungkahi ng paspasang pag-apruba ng budget ni President Bongbong Marcos. Kesyo raw dahil ‘yon sa “parliamentary courtesy” ng Kamara sa Malacañang.
Sa plenaryo ng Senado nu’ng Oct. 20, ipinasa rin ang P785.2-milyong OVP budget sa loob ng 16 minuto. Nililitis si Sara ng Senate impeachment court, na tinawag niyang “sarswela” dahil umano “hawak ni BBM ang mga senador”.
Nauna ron, Sept. 30, inaprubahan sa loob lang ng 16 minuto ang P10.156 bilyong pondo ni BBM ng Senate finance committee. Gan’un din ang katwiran sa paspasang pag-apruba: “parliamentary courtesy”.
Alisin sana ang tradisyong “parliamentary courtesy” sa pag-analisa sa budgets ng OVP at OP, mungkahi ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio. Dapat daw mas mabusisi ang mga mambabatas sa pondo ng dalawang pinaka-mataas na opisyal.
Binale-wala ang salita ni Tinio. Mas ginusto ng mga politiko sa Kamara at Senado na makipag-kutsabahan sa mga politiko sa OP at OVP. Ang politika sa Pilipinas ay “sila-sila”, imbis na “tayo-tayo”.