HANGAD ng lahat ng magulang ang kapakanan ng anak. Instinct ‘yon ng bawat tao at hayop. “Guro,” pakiusap ng isang aristokratang Athenean kay Socrates 2,500 taon nakalipas, “Turuan mo po ang binata ko kasi puro alak at babag ang inaatupag.”
Wika nga ng Bibliya, “Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng bato sa anak na humihingi ng tinapay? Kung humingi ng isda, ang ibibigay ba niya sa kanya ay ahas sa halip na isda?” (Lucas 11:11)
Pati mga pusakal ay sinisikap mapalaki ang bata na matuwid. Bilang abogado ni Mafia gangster Al Capone, kasapakat si Edward Joseph O’Hare sa mga krimen at raket. Inilayo niya ang anak na si Butch sa kalokohan. Nagbagong-buhay ang ama at tinulungan ang awtoridad na mapakulong si Capone. Napagtapos niya ng US naval aviation si Butch na naging fighter pilot nu’ng World War II. Nasawi si Butch sa dogfight, pinarangalan ng Medal of Honor, at ipinangalan sa kanya ang O’Hare International Airport sa Chicago.
Pero sa bawat panuntunan ay may nabubukod. May ilang uri ng matsing, oso, prairie dog, tiger shark, leon, manok at insekto na pinapatay ang anak para sa sustansiya at dahil sa inggit. Ganu’n umano si Greek god Saturn na hinulaan ni Gaea na pababagsakin ng anak sa trono. Kaya kinain ni Saturn lahat ng anak pagkasilang pa lang.
Sa Pilipinas merong mga magulang na nagtuturo sa anak ng kasamaan at kasakiman. Sila ang political dynasts.
Sa simula naghahalinhinan sa puwesto ang mag-aasawa at magkakapatid. Sinosolo nila ang kapangyarihan sa ehekutibo, senado, congressional district, probinsiya, siyudad at munisipalidad. Sinasarili ang mga negosyo sa hurisdiksiyon, mula sa sea at airports at tourist resorts hanggang sa hardware stores at gasolinahan. Ninanakaw pati pera ng bayan. Kapag nasa hustong gulang na ang anak itinuturo ang katiwalian at ang pag-iwas sa bisto. Isinasalin ito ng anak sa apo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).