NAG-AALALA si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla sa kapakanan ng 40,000 manggagawang Chinese ng Philippine Offshore Gaming Operators. Isinara kasi ng Pagcor ang 216 ilegal na POGO kaya kailangan i-deport sa China ang mga ‘yon.
Kung hindi prostitutes, marami sa kanila ay bodyguards at kolektor ng utang sa POGO ng mayayamang manunugal na Chinese. Nananakit at nangki-kidnap for ransom sila ng sariling kababayan. Latak ng lipunan ang trato sa kanila ng sariling gobyerno sa China. Kung i-deport sila ay magkaka-humanitarian crisis, babala ni Remulla. Pahihirapan daw sila ng Beijing makauwi; malamang ikulong o patayin.
Ganu’n din ba ang pag-aalala ni Remulla nu’ng Mar. 4 sa 47,000 Pilipinong dumalo sa campaign rally ni Leni Robredo sa General Trias, Cavite? Binansagan niya silang “bayaran” at “infiltrated ng komunista”. Peligroso ang ganu’ng red-tagging. Tulad ng dumarami ng insidente, maari silang basta damputin na lang at patayin.
Dumagsa ang Chinese POGO workers dahil sa korapsyon ng Bureau of Immigration and Deportation. Nabisto ang bilyon-pisong pastillas scam ng ahensiya sa ilalim ng Justice department. Nakabalot sa puting papel, parang pastilyas, ang suhol sa BID officers para papasukin ang illegal, overstaying aliens. Ani noo’y senador Ping Lacson, 3,000 sa kanila ay mga espiya ng Chinese military para lumubog sa ating mga komunidad, campus, organisasyon, propesyon at industriya.
Ipagpalagay nang aapihin lang sila kapag i-deport. Idaan natin sila sa pagsubok. Kalaban ba talaga nila ang Komunistang China? Kung ganu’n, pakainin at armasan sila – at isabak sa Chinese coast guards at maritime militia na namamasok sa West Philippine Sea, nagnanakaw ng yamang-dagat, at nang-aagaw ng mga bahura. Lumaban sila nang todo. Gantimpalaan ang katapangan ng mga matitira. Gawin silang permanenteng residente ng Pilipinas. O, di ba may pakinabang?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).