Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Matagal nang tine-terrorize ng China ang mga mangi-ngisdang Pilipino. Binubusabos sila ng dayuhan sa mismong West Philippine Sea natin.
Sa Panatag (Scarborough) Shoal simula 2012 kinikikilan sila ng China Coast Guard (CCG) ng matatabang nakawil na isda. Di naglaon binubugaw na sila ng water cannon at machinegun.
Sa Recto (Reed) Bank nu’ng 2019 binundol ng bakal na lantsa ng Chinese maritime militia ang nakaangklang kahoy na bangka at iniwan ang 26 na Pilipino na tumilapon sa dagat. Nasaksihan ng mga mangingisda sa Recto ang pagbabanta ng CCG sa mga barkong Pilipino na naghahanap ng langis at gas.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Dinudumog ng maritime militia ang Sandy Cay sa gilid ng Pagasa Island para hindi makapangisda ang mga Pilipino. At bago utusan ng Beijing ang CCG na paputukan ang mga dayuhang bangka, hinarang ng pitong barkong CCG ang mga Pilipino na patungo sa sandbar sa Pagasa, na bahagi ng bayan ng Kalayaan, Palawan.
Winawasak ng China ang kabuhayan ng 350,000 Pilipino sa WPS. Sa bagong Coast Guard Law ng China hindi lang papuputukan kundi sasampahan at aagawin din ng CCG ang mga dayuhang bangka. Lalong natakot lumayag ang mga mangingisda sa WPS natin.
Tumindi naman ang pagnanakaw ng China ng isda sa WPS. Mula 2015 humahakot ang China ng 1.2 bilyong kilo ng tuna, mackerel at iba pang mamahaling isda natin. Mga 200 trawler ang tumatangay ng 3.24 milyong kilo araw-araw, kita sa satellite images. Dahil kapos tayo sa isda, umaangkat ang Pilipinas ng galunggong mula China, na malamang ay nakaw sa atin. Nilaspag na ng China ang sariling karagatan.
Ine-escort ng CCG ang mga lantsa na nagnanakaw sa WPS. Sana samahan din ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda natin.
