GINUGULO ang mundo ng tatlong marahas na lider. Nagbabanta si diktador Vladimir Putin ng Russia na lupigin ang Ukraine. Inagaw na niya ang rehiyon ng Crimea, pero iginigiit na probinsiya lang nila ang buong karatig na malayang bansa. Nababahala ang buong Europe.
Binabantaan din ni diktador Xi Jinping ng China ang Taiwan. Ibabalik daw ang demokratikong bansa bilang probinsiya ng Komunista.
Inaagaw ni Xi ang buong East at South China Seas. Ninanakawan ng isda, bahura at petrolyo ang Japan, Korea, Pilipinas, Vietnam, Brunei, Malaysia at Indonesia. Inaagaw din ang ilog na dumadaloy patungong Cambodia, Thailand, Myanmar at India.
Inaangkin ni Xi ang teritoryo ng India at Bhutan. Inuudyukan ang Afghanistan at Pakistan na awayin ang India. Nagtatayo ng mga base militar sa Indian Ocean, Middle East at West Africa.
Nagpupumilit si President Ebrahim Raisi na magka-nuclear bomb ang Iran. Nilabag na ng gobyerno niya lahat ng kasunduang pandaigdig laban sa masamang balakin niya. Tumatapang siya dahil sa suporta nina Putin at Xi.
Inaasahan ng Europe, Asia at Australia na makialam ang America, ang “pulis ng mundo”. At binabalaan nga ng Washington sina Putin, Xi at Raisi. Mula sa iba’t ibang lahi ang mga pinuno sa America. Nasasaktan din ang ekonomiya nito kung ginugulo ang mga partners niya.
Hindi maari mag-neutral ang Pilipinas. Biktima tayo ng pagnanakaw ng Komunistang China ng yamang-dagat. Dapat humanay tayo sa mga malaya at mapayapang bansa kontra sa mananakop.
Palakasin natin ang sariling depensa. Maging mapangmatyag sa propaganda ng Communist China. Huwag iboboto ang mga traydor na gustong maging Presidente, VP, mambabatas at lokal na opisyal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).