INASAM ng Germany agawin ang Pilipinas nu’ng 1898. Kalilipol pa lang ng US sa Spanish armada sa Cañacao Bay, Cavite, Mayo 1. Tinutugis ng Katipunan sa Luzon ang tropang Kastila. Biglang pumasok ang German fleet sa Manila Bay. Kunwari po-protektahan ang mamamayan nila. Pero kampi pala sa Kastila. Muntik tuloy mag-giyera ang Germany at US.
Nagtatalo pa noon ang mga pinuno sa Washington kung ano ang gagawin sa dalawa pang bansang naagaw sa Spanish-American War. Binitawan agad ng US ang Cuba pero nanatili sa Puerto Rico. May balak palayain ang Islas Filipinas maliban sa Manila. Gagawin daw itong istasyon ng mga barkong Amerikano. Kinalaunan nanaig ang mga utak imperyalista at sinakop ang buong kapuloan.
Nagalit si US Rear Admiral George Dewey kasi hindi pala neutral ang Germany. Pumuslit sa US blockade at nagdiskarga ng pagkain ang German warships sa sundalong Kastila. Nagpapiging sa mga babaeng Kastila sa barko. Hinarang din ang paglusob ng Katipunan sa Subic Bay kung saan may natitira pang barkong Kastila. Kinanyon ni Dewey ang isang barkong German bilang babala. Maski mas maraming warships si Dewey, mas malalaki ang kay Vice Admiral Otto von Diederichs.
Nasabat ng mga espiyang Amerikano ang papeles ng German foreign ministry. Kung Manila lang ang kukunin ng America, mawawalan umano ng sentro ng gobyerno ang Pilipinas. Lalala ang gulo. Mapipinsala ang mga Germans, kabilang si Jacobo Zobel, may-ari ng tranvia sa Manila-Tondo-Malabon, at asawa ng kastilang Trinidad de Ayala. Kung ganu’n aangkinin ng Germany ang buong Pilipinas. Pero kung kolonyahin ng America lahat ng isla, bibilhin na lang ng Germany ang Palawan. Nakigulo rin ang navies ng Britain, France, Austria-Hungary at Japan. Muntik paghatian ang Visayas-Mindanao.
Marami pang detalyes sa Stories from the Other Side and Other Narratives ni Dr. Augusto de Viana, Books Atbp. Publishing, 2022.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).