Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Rebolusyonaryong mapagpalayang puwersa ang Philippine Navy.
Hindi tulad ng Spanish Armada na kolonyalista. ‘Di tulad ng British Admiralty na nagmula kina piratang Francis Drake, tiyuhing John Hawkins at pinsang Richard Hawkins na naging Sirs nang gawing knights ni Queen Elizabeth I nu’ng 1581. ‘Di tulad ng United States Navy na nagmula sa mersenaryong Amerikano at Pranses nu’ng 1776. ‘Di tulad ng Japanese Navy na dating mapandigmang imperyalista.
Tinatag ni “El Presidente” Emilio Aguinaldo ang Philippine Navy nu’ng Mayo 20, 1898. Tinawag itong Bureau of Navy, sangay ng Revolutionary Army. Tinalagang director si Pascual Ledesma, ng Himamaylan, Negros, merchant marine master na sumapi sa Katipunan nu’ng 1894. Sa kanya nakapangalan ngayon ang pangunahing base ng PN sa Sangley, Cavite.
Katuwang ni Ledesma si merchant ship captain Angel Pabie. Naging hepe si Heneral Mariano Trias ng Dept. of War and Navy.
Unang ekwipo ay konting lantsa at kanyong naagaw ng Katipunan kay Admiral Patricio Montojo na tinalo ni Commodore George Dewey sa Battle of Manila Bay, Mayo 1, 1898. Nadagdag ang 900-toneladang steamer ng Compania Tobacco de Filipinas nang mag-mutiny ang Pilipinong crew. Pinatay nila ang mga Kastilang opisyal.
Lider nila si second officer Vicente Catalan, Cubanong-Kastila na prinoklama ang sarili bilang Admiral ng Filipino Navy. Ginawang flagship ang barko na pinangalang Filipinas. Tinalaga siya ni Aguinaldo bilang kapitan (koronel) ng Navy. Bahagi si Catalan sa pag-agaw ng Subic mula sa Kastila.
Nag-ambag ang mayayamang Pilipinong Leon Apacible, Manuel Lopez at Gliceria Marella de Villavicencio ng limang malalaking barko: Taaleño, Balayan, Bulusan, Taal at Purisima Concepción. Nagdala ang unang tatlo ng armas at mga bandila sa Bicol at Visayas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).