Ngayong nakopo na ni Davao City businessman Dennis Uy ang Malampaya gas field, malamang kabuntot na ang Communist China.
Matagal nang balak nakawin ng kapit-bansang bully ang petrolyo natin. Gas sa Malampaya ang pam-produce ng 30% ng kuryente sa Luzon. Paubos na ang gas doon, pero may langis sa ilalim at sa gilid. Malapit doon ang Recto Bank, kung saan triple ang gas at langis na maaring minahin. Nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Recto. Pero hindi natin makuha ang petrolyo dahil ilegal na nakabantay ang mga armadong barko ng China. Binabangga, binabaril ang mga bangkang Pilipinong pangisda at pang-survey.
Gamit ang dalawang bagitong kompanya, nakuha ni Uy ang 90% shares ng Shell at Chevron sa Malampaya. Pumayag si Energy Sec. Alfonso Cusi. Hinabla sila ng graft sa Ombudsman dahil hindi raw kuwalipikado ang dalawang kompanya. Anila wala silang kasalanan.
Dahil walang karanasan sa petrolyo ang dalawang kompanya ni Uy, kakailanganin nito ang eksperiyensadong partner. Kasosyo na niya sa liquified natural gas ang China National Overseas Oil Co. na pag-aari ng China. Nababalita na papasok ang CNOOC sa Malampaya. Ipinipilit ng China na CNOOC din ang dapat kumuha ng petrolyo sa Recto Bank. Payag si President Duterte, kaibigang matalik ni Uy.
Kapag nagkataon miminahin ng CNOOC, sa pamamagitan ni Uy, ang Malampaya at Recto. Makokontrol nila ang petrolyo natin. Tapos ibebenta sa atin nang mahal. Kung hindi tayo pumayag, babawalan ng
Chinese warships ang pagkuha natin ng sarili nating likas na yaman.
Partner din ni Uy sa third telco na Dito Telecommunity ang state firm na China Telecom. Pinayagan ito na magtayo ng cell sites sa loob ng mga kampo militar sa Pilipinas. Nababahala ang security experts na gagamitin ang mga cell sites para espiyahan ang armed forces natin at isabotahe ang ating komunikasyon. Binenta tayo sa Komunista.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).