NU’NG presidential elections ng 1961, 1965 at 1969 kumandidato si mekanikong Pascual Racuyal. Malaki ang pangarap niya para sa Pilipinas. Pabububungan at air-con niya ang buong 16 na ektaryang Luneta Park sa Manila. Mabibilang sa daliri ng kamay ang kapwa niya “visionary” na bumoto sa kanya, kaya natalo. Pero nagka-ideya ang mga tusong kandidato. Kahit sino kasing mamamayan na husto sa edad ay maaring kumandidatong pambansa o lokal. Kaya nagpatakbo sila ng mga peste o nuisance. Kapangalan ito ng sikat na katunggali. Sa gan’ung taktika nilito nila ang botante at nahati ang boto.
Binawal sa Omnibus Election Code ng 1985 ang nuisance candidates. Ito ang mga lantarang nanunuya lang ng halalan, walang totoong interes tumakbo, at nanggugulo lang. Binigyan ng poder ang Comelec na ibasura ang kanilang certificates of candidacy. Ganunpaman, marami pa ring nampepeste. Nu’ng presidential elections ng 2004, 2010 at 2016 kung sino-sinong mga nagpakilalang “messiah”, “diwata” at “hari” ang nag-file ng CoC. Ano kaya sila, “Pangulo” o “Panggulo”? Marami ring kapangalan ng reelectionists na senador, congressman, governor at mayor ang tumakbo at nanggulo lang.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Panukala ni Rep. Edgar Mary Sarmiento na pagmultahin ng Comelec nang tig-P100,000 ang nuisance candidates at tusong politiko o partidong nag-udyok. Aba malaking halaga din ‘yan. Bukod pa ‘yan sa diskwalipikasyon dahil sa pambabastos sa sagradong halalan.
Matatakot na kaya ang mga makabagong Racuyal, mga pabayang kaanak nila, o nagpopondo na manggulo? Duda ko, hindi. Baka ikontra-demanda pa nila ang Comelec at humingi ng danyos na milyun-milyong piso. Aba, baka kumita pa ang pesteng kandidato at ang tusong pulitika sa likod niya. Pera-pera lang kasi ang halalan sa Pilipinas. Hay!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
