MAGTAYO nang matibay na istasyon sa Ayungin Shoal. Magagamit itong pang-militar, pangisdaan, komunikasyon, transportasyon at enerhiya. Maigigiit ang karapatan natin sa nakapaligid na West Philippine Sea.
Ang Ayungin ay 105 nautical miles mula Palawan, sa loob ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Tradisyonal na pangisdaang Pilipino, pinapaligiran ito ng bato’t bahura, 11 milya ang haba at 27 metro ang pinakamalalim. Nasa gilid ito ng 886,000-ektaryang Recto Bank, kung nasaan ang Sampaguita oil at gas fields.
Dalawampung milya mula Ayungin ay Panganiban Reef na inagaw at kinonkreto ng China nu’ng 1995. Mula Panganiban binu-bully ng China Coast Guard ang isinadsad sa Ayungin nu’ng 1999 na BRP Sierra Madre. Pinapalibutan ito ng CCG gunboats at wino-water cannon ang mga bangkang Pilipino na nagdadala ng pagkain at kagamitan sa 10 sailors sa Sierra Madre.
Nitong huli, binaril ng CCG-5205 gunboat ng military grade laser ang BRP Malapascua. Nasunog ang balat at pansamantalang nabulag ang Malapascua crew.
Sinisira ng kalawang at tubig-dagat ang Sierra Madre. Hinihintay na lang ng China na kumulapso ito para agawin ang Ayungin. Tapos nanakawin ng China ang langis at gas sa Recto.
Mas maraming Filipino sailors ang maitatanod sa permanenteng Ayungin outpost. Para konting pinsala lang sa kalikasan, maaring jacked-up oil rig ang entablado.
Magagamit na lighthouse at communication tower ang rig, panggiya sa nabigasyon sa ere at dagat. Makakadaong ang mangingisdang Pilipino kung may bagyo. Makakabitan ng mini-hydros ang pagitan ng mga bato’t bahura panglikha ng kuryente mula sa agos.
Mula sa Ayungin base mapapatrulyahan ng Pilipinas ang Escoda Shoal 36 kilometro mula ru’n at nasa gilid din ng Recto.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).