PASPASANG isinasabatas ng Kongreso ang Maharlika Wealth Fund. Muntik nang isama ang mga kontribusyon natin sa SSS at GSIS. Itinuturing kasing sariling pera ng Malacañang appointees ang pension natin.
“Sovereign wealth fund” daw ang MWF. Tulad umano ito ng Singapore Government Investment Corp at Indonesia Investment Authority. P125 bilyon ng GSIS, tig-P50 bilyon ng SSS at LandBank, at P25 bilyon ng Development Bank of Philippines ay ipupuhunan sana sa MWF. I-invest sa abroad para pagkitaan daw ng darating na henerasyon. Inatras nila ang SSS at GSIS nang pumalag tayong mga miyembro.
Hindi government financial institutions ang SSS at GSIS tulad ng Land Bank at DBP. Pribadong mutual provident funds sila. Pag-aari nating mga kasapi na pinapangasiwaan lang ng gobyerno para sa atin.
Mahaba ang kasaysayan ng katiwalian sa gobyerno. Walang pakundangang dinarambong ang pera ng bayan pero hindi nakukulong ang mga kriminal. Ehemplo ang paggamit nu’ng 1999 ng pera ng SSS at GSIS para isalba ang naluluging kompanya ng ka-mahjong ng Presidente. Hindi puwedeng ipagkatiwala sa kanila ang pera natin.
Panukala ang MWF nina Speaker Martin Romualdez, asawang Tingog Rep. Yedda Romualdez, at pamangking Rep. Sandro Marcos, anak ni Presidente Bongbong Romualdez Marcos Jr. Si Marcos Jr. ang magiging chairman ng MWF. Directors ang 14 appointees niya, at advisers ang apat na Cabinet secretaries niya.
Maaring matulad ang MWF sa ibang sovereign funds. Hindi maipaliwanag ang nawalang $145 milyon ng Venezuelan Fonden. Ikinulong si Prime Minister Najib Razak nang nakawan ng $4.5 bilyon ang 1Malaysian Development Berhad.
Sobrang kita ang dapat ilagay sa MWF, tulad sa Norway, Kuwait at Korea. Walang sobrang pera ang Pilipinas; P13.5 trilyon nga ang utang. Ipuhunan na lang sana sa edukasyon, skills training, kalusugan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).