NAGPAPANUKALA sa Kongreso ng dagdag na benepisyo sa solo parents. Bibigyan sila ng 10% discount at 12% value-added tax exemption sa basic needs ng mga anak na menor-de-edad. Kasama riyan ang pagkain, baby food, gatas at gamot ng dependents. Otomatiko ring full scholarship sila sa mga paaralang pampubliko at vocation-technical training. Prayoridad ang solo parents sa mga programa at ayuda ng gobyerno para sa mga hikahos. Pati sa ospital at atensiyong medikal ay iuuna sila.
Bibigyan ng tax incentives ang mga magbibigay ng diskuwento at pabuya sa solo parents at mga anak. At dapat magtayo ng Solo Parents Office sa bawat probinsiya at lungsod. Ang mga lalabag naman sa batas ay mumultahan ng P10,000-P50,000 at ibibilanggo nang 6-12 buwan. Dagdag lahat ‘yan sa Solo Parent Act ng 2000, o R.A. 8972.
Nang ipasa ang panukala sa House of Reps, 208 ang pumabor, 0 ang kumontra, at 0 ang nag-abstain. Bukod sa mainam ito sa kapakanan ng mga hikahos, populista ang panukala. Pampadagdag sa boto sa Halalan 2022. At hindi naman nila pera ang pinamimigay, kundi sa mga pribadong kompanya at sa gobyerno – sa totoo sa bayan, mula sa buwis.
Sana magsabatas din ng matitinding parusa sa pagpapanggap na solo parent. Hindi permanenteng estado sa buhay ang pagiging solo parent. Kapag nag-asawa uli o mag-mayor de edad na ang mga anak, tapos na ang mga benepisyo. Kung hindi hihigpitan, makakawawa ang mga pribadong kompanya. Mawawaldas ang pera ng taumbayan.
Ganundin sa pekeng senior citizens at persons with disabilities. Napabalita ang insidente ng isang dosenang magkasama sa restoran, edad-35-55, lahat may senior o PWD cards. Ang malabong mata, may PWD card, maski corrected na ng tamang gradong salamin. «Psychosocial problem» – di makakuha ng trabaho dahil mapili – nagka-PWD card din. At lantarang peke ang senior card mula sa kung anong city hall. Mga maykaya naman sila; walanghiya lang mandaya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
