TOTOO ang eksena sa pelikulang “Gandhi” ng pila ng nagpoprotestang Indians para magpagulpi sa sundalo. Pinamunuan ni Mohandas Gandhi ang 24-araw, 385-km martsa nu’ng 1930 kontra-monopolyong British sa asin. Milyon ang sumali mula sa mga baryong dinaanan. Pagdating sa Dandi, gumawa si Gandhi ng asin ng tubig-dagat. Inaresto siya. Tumuloy ang tao sa Dharasana saltmine, apat-apat ang hanay. Binambó sila ng rifle butts. Pagkabuwal ng una, pumapalit ang mga kasunod. Duguan lahat. Umikot sa mundo ang balita ng kalupitan.
Ayaw ni Gandhi ang itinawag doong “passive resistance”. “Active civil disobedience” raw ‘yon. Pitong taon niya sinubukan sa South Africa kontra pang-aapi sa minoryang Indians. Nagpa-preso silang mga welgista sa minahan. Sa “satyagraha”, hinanda nila ang mga sarili masaktan, imbes manakit. Na-diyaryo sa mundo. Sa kahihiyan nu’ng 1913, binawi ng gobyerno ang paniniil sa kanila.
Tinanghal sa mundo ang pilosopiya ni Gandhi. Ihinambing sa mga sinaunang Kristiyano ang pagkatalo ng British Army sa payapang protesta. Tulad ng mga apostoles ni Hesukristo, buong tatag na nagpa-krus at pana sila o lapa sa leon sa coliseum sa ngalan ng sampalataya.
Tumulad ang American civil rights movement, dekada- ‘50-‘60. Bilang protesta sa segregasyon nila sa Whites sa restoran, bus at kubeta sa Alabama, tumungo ang daan-daang Blacks sa Birmingham. Kusang-loob silang nagpahambalos sa teroristang Ku Klux Klan kasapakat ang pulis. Sumama pati bata, matanda, babae. Saan sila humugot ng tapang para sa “militant non-violence” ni lider James Bevel? Pinasulat niya bawat isa ng huling paalam bilang kahandaang mamatay. “Kung ‘di ko mapaliwanag sa magulang ang sinapit ‘nyo, hindi ko kayo patutuluyin.”
Lumaganap ang Kristiyanismo, lumaya ang India, kinilala ang karapatang-pantao ng African-Americans. Nanaig ang payapa sa karahasan. Bumagsak ang diktaduryang Marcos sa 4-araw, payapang EDSA People Power Revolt, Feb. 1986. Balik-aralan natin ang leksiyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).